Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-34 na labas

“K-kaya nga hanggang ngayon nandito pa’ko sa school, hinahanap ko siya, hinahanap na siya ng lahat dito…”

“Bakit? Paano siya mawawala sa loob ng school? Anong sabi ng guard? Bakit kasi sa canteen mo siya pinaghintay bakit hindi sa room o sana isinama mo na lang siya sa meeting! Hintayin mo ako, papunta na’ko diyan!” natatarantang litanya ni Cassandra.

Habang nagpapalit ng damit ay labis ang pag-aalala ni Cassandra. Hindi niya mapigil ang mga luha sa nadaramang pag-aalala. Nang tumawag pa naman sa kanya kanina si Jefferson ay sinabi niyang si Eloisa na ang maghahatid dito pauwi. Pero mas inaalala niya ang kalagayan ng bata.

“Anak, gusto mo bang samahan kita, gagamitin ko ang saklay ko?”

“Hindi na po pa, pagdumating na lang si Jeff pakisabi na lang po na sumunod siya.”

“Oo sige. Mag-ingat ka.”

Pakiramdam ni Jefferson ay binagsakan siya ng langit at lupa nang malamang nawawala si Michelle. Sa school na sila nagkita ni Cassandra na kausap ang mga pulis. Nagyakap silang mag-asawa.

“Jeff, walang nakakita kay Michelle, ang sabi ng guard hindi naman daw niya papayagang makalabas mag-isa ang bata kung nakita niya ito…ang sabi naman sa canteen, nakita raw nilang lumabas ng canteen si Michelle at naupo lang sa isang bench malapit sa guard house…tapos no’n wala ng nakakita sa kanya…” umiiyak na kuwento ni Cassandra.

“Iuuwi na kita, ako na lang ang maghahanap sa kanya.” Mahinang sabi ni Jefferson sa asawa na gumagaralgal na rin ang boses.

Lumipas ang magdamag na hindi pa rin natagpuan si Michelle. Nanlulumo si Jefferson nang magpasya siyang umuwi muna. Madaling-araw na no’n…

“Bakit gising ka pa?” tanong niya sa asawa na naabutan niyang nakaupo sa sofa.

Hindi nito sinagot ang tanong niya, sa halip…

“Si  Michelle? “

Related Posts

Umiling si Jefferson at tinabihan sa upuan ang asawa.

“Bakit nangyayari ito? Naging masama ba tayo?” tanong ni Jeff .

“Hindi tayo titigil, hahanapin natin si Michelle, matatagpuan natin si Michelle…manalig tayo sa kanya…” sabay tingin ni Cassandra sa imahe ni Jesus na nasa altar nila.

Mula noon, kasabay ng maselang pagbubuntis ni Cassandra ay ang patuloy nilang paghahanap kay Michelle.

“Cass, ilan pa ba ang kailangan nating ipa-print?” tanong ni Eloisa kay Cassandra habang inaayos nila ang mga bagong print na picture ni Michelle sa mesa sa terrace nina Cassandra.

“100.”

“One hundred?”

“Oo one hundred,kung kailangang punuin ko ng mga picture ni Michelle ang buong Pilipinas gagawin ko matagpuan lang siya…isang linggo na siyang nawawala…”

“S-si Jeff, kumusta ba siya? Hindi ko siya napagkikikita…”

“Halos hindi na nga siya umuuwi ng bahay kakahanap kay Michelle, kung nag-aalala ako siguradong mas higit ang pag-aalala niya sa anak niya…”

Napayuko na lang si Elosia.Ayaw man niyang isipin na may kasalanan siya sa pagkawala ni Michelle ay iyon pa rin ang nararamdaman niya. Sinisisi talaga niya ang sarili.

Dahil sa pagiging abala ni Jefferson sa paghahanap sa anak ay hindi nito namamalayan na napapabayaan na niya ang responsibilidad kay Cassandra lalo na sa maselang kalagayan nito.

“Cassandra, I told you to take a rest para hindi ka mag-bleed…but look at you, you look so tired, ano bang pinagagagawa mo sa bahay nyo?” si Dra. Melendres. Ang Ob-gyne ni Cassandra.

Nakahiga si Cassandra sa bed sa clinic ng OB niya.

“Actually wala naman po akong masyadong ginagawa sa bahay doc, pero madalas po akong lumalabas para tulungan ang asawa ko na hanapin ang anak namin…” (Itutuloy)