Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-33 na labas

Napapailing na sumunod na lang si Jefferson habang pinagtatawanan naman siya ni Cassandra nang makalabas na siya ng kuwarto.

Pero pagbalik ni Jeff ay nakapikit na si Cassandra  na tila natutulog na.

“Hoy asawa ko, ‘wag kang mandaya, eto na ang kape mo!” ani Jeff habang inilalapag ang tasa ng kape sa side table.

Walang tugon mula sa babae. Nilundag ni Jeff ang kama at kiniliti si Cassandra.

“Tulug-tulugan ha!”

Hindi napigilan ni Cassandra ang mapabunghalit ng tawa sa pagkiliti sa kanya ng asawa.

“Stop it Jeff!” saway niya.

Pero hindi tumigil si Jeff hanggang sa mapagod na rin ito at hinagkan na lang si Cassandra sa noo, sa ilong, sa pisngi at sa labi. At muli ay pinagsaluhan nila ang tamis ng pag-ibig.

Ang mga dahon ng panahon ay matuling lumipas. Isang taon na agad ang nakalipas. Dahil sa kahilingan ni Mang Gener ay napilitan ang mag-asawa na doon na muna sila tumira sa bahay nito. Tutal naman ay nag-iisa na ito.

Nang gabing iyon na unang araw nila sa pag-uwi sa bahay ay isang espesyal na hapunan ang inihanda ni Cassandra.

“Hmm, adobong manok at sinigang sa miso na pink salmon! Puro mga paborito ko ‘to ah!

Anong meron, hon?” si Jeff.

“Aba, meron ding laing na paborito ko naman! Ano nga bang meron, anak?” tanong din ni Mang Gener.

“At meron ding chocolate cake sa dessert na favorite ko!” singit rin ni Michelle.

Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Cassandra.

“Kasi po sobrang espesyal talaga ang gabing ito!”

“Bakit?” sabay-sabay na tanong ng tatlo.

“Kasi ito ang unang gabi natin ulit dito sa bahay, kaya para kay papa nagluto ako ng laing, para kay Michelle ang chocolate dahil sa pagiging mabait na anak!”

“At ano naman ang para sa’kin?”

Dinukot ni Cassandra mula sa bulsa ang isang pregnancy test at saka iniabot kay Jefferson.

Nagkatinginan ang dalawang lalaki bago sabik na tiningnan ni Jeff ang p.t.

Dalawa ang guhit nito. Saglit na napatulala si Jeff. Pagkuwa’y tuwang-tuwa nitong niyakap ang asawa.

“Magiging tatay na ulit ako!”

“Papa magkaka-baby na po kayo ni mama?” tanong ni Michelle.

“Oo anak, at magiging ate ka na!”

Matapos ang hapunan ay nilapitan ni Michelle si Cassandra na naghuhugas ng mga plato.

“O bakit, anak?”

“Mama, kapag po ba nanganak ka na, love mo pa rin ako?”

Saglit na itinigil ni Cassandra ang paghuhugas at pinunasan ang mga kamay saka naupo sa tabi ng bata.

“Michelle, kahit anong mangyari, kahit ilan pang baby ang dumating sa buhay natin, love  pa rin kita, at gusto ko love mo rin ang magiging baby namin ng papa mo na magiging kapatid mo.”

“Opo mama.”

“Ang magbabago lang madaragdagan ang family­ natin, pero ang pagmamahal namin sa’yo ng papa mo hindi ‘yon magbabago, tandaan mo ‘yan ha,” sabay halik ni Cassandra sa noo ng itinuring ng anak.

Related Posts

“Opo, mama, tatandaan ko po.”

Maselan ang naging paglilihi ni Cassandra. Kaya naman spoiled na spoiled siya sa asawa at maging sa tatay niya. Apat na buwan na ang tiyan niya.

“Hon, sigurado ka ba mabibili mo’ko ng ice cream ngayon? Hatinggabi na…” mahinang tanong ni Cassandra habang nagbibihis si Jeff para lumabas.

“May 24 hours na convenience store naman sa kabilang kanto, siguradong may ice cream do’n.”

“Thank you hon ha.”

Bago lumabas ng silid ay hinagkan pa ni Jeff ang asawa.

Kinabukasan.

“Papa tulog pa ba si mama?” tanong ni Michelle habang sinusuklayan siya ni Jefferson.

“Oo kaya ako na muna ang mag-aasikaso sa’yo at maghahatid sa school. Napuyat kasi ang Mama Cass mo saka medyo masama ang pakiramdam niya.”

“Gano’n po ba, sige po, magki-kiss na lang po ako sa kanya bago ako pumasok.”

“Okay sige, hintayin kita dito sa salas.”

Pumasok muna ng silid ang bata at saka humalik kay Cassandra na natutulog pa.

“Bye mama…bye baby…” sabay halik din nito sa tiyan ng mama niya.

Nagising si Cassandra.

“Oh papasok ka na ba?”

“Opo mama.”

“Sige mag-iingat ka ha.”

“Mag-ingat din po kayo at ingatan n’yo rin po si baby!”

School. Isang emergency meeting ang ipinatawag ng principal kaya naman maagang pinauwi ang mga estudyante.

“O Michelle, tatawagan ko lang ang papa mo ha, sasabihin ko na sunduin ka na rito, pero ‘wag kang aalis dito sa guard house hangga’t wala pa ang papa mo ha?” si Eloisa.

“Opo, Teacher Eloisa.”

Hindi makontak ni Eloisa si Jefferson kaya si Cassandra ang tinawagan niya kahit alam niyang masama ang pakiramdam ng kaibigan kaya hindi pa ito makapag-report sa school.

“Gano’n ba, o sige Eloisa, ako na lang ang susundo sa kanya.” Si Cass sa kabilang linya.

“Naku hindi na, ipinaalam ko lang naman sa’yo, sasabihin ko na lang kay Michelle na hintayin na lang niyang matapos ang meeting tapos ako na ang maghahatid sa kanya diyan.”

“Sige, salamat bestfriend.”

Malapit nang gumabi kaya nag-alala na si Cassandra. Muli nitong kinontak si Eloisa.

“Hello Eloisa, bakit wala pa kayo rito?”

Napansin ni Cassandra ang tila pag-iyak ng kaibigan sa kabilang linya.

“Cass, s-si Michelle…”

“Anong nangyari kay Michelle?”

“K-kasi sabi ko sa kanya hintayin lang ako sa canteen, p-para pagtapos ng meeting kakain muna kami b-bago ko siya ihatid pauwi…”

“Anong nangyari, Eloisa?” puno na ng pag-alala at matigas na ang tinig  ni Cassandra.

“N-nawawala siya!”

Natigilan si Cassandra. Hindi makapaniwala.

“Hindi, pa’nong mangyayari ‘yon, hanapin mo baka nasa library o nasa garden, hanapin mo!”(Itutuloy)