Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-32 na labas

“M-magpapaliwanag ako hon…”

Napilitang ikuwento ni Jefferson ang buong pangyayari.

“Ah so hindi pa pala ito ‘yung wedding proposal?”

“Eh… hon, wala ng bawian, umoo ka na ‘di ba? Magpapakasal na tayo!”

“Magpakasal? magpapakasal ha! Magpapa­kasal ha!” pinaghahampas ni Cassandra ng unan ang lalaki. Naiiling namang iniwan na ni Mang Gener ang dalawa.

Wedding day. Sa San Bartolome Church. Maaliwalas ang mukhang naglakad si Michelle bilang flower girl. Puno naman ng pinaghalong kaba at saya ang maaaninag sa mukha ni Jefferson habang hinihintay ang bride niya sa altar.

At ang inaabangan ng lahat… ang lalo pang pinatingkad na kagandahan ng bride sa simpleng gown na bumagay sa pagkatao nito.

Habang nakakapit sa braso ng ama na piniling magsaklay sa araw na ‘yon kaysa mag-wheelchair, laman ng isip ni Cassandra ang ina.

“Ma… kung nakikita mo man kami ngayon, alam ko ikaw na ang pinakamasaya…

mapapanatag ka na nang lubusan dahil ang pinakamamahal mong anak ay umiibig na ng tapat… sa lalaking karapat-dapat para sa’kin… sa lalaking nais mong maging katuwang ko sa habambuhay… magiging katulad mo ako mama… mapagmahal na asawa… ina… at magiging tapat sa lahat ng oras…”

Nang iabot ni Mang Gener ang kamay ng anak kay Jefferson ay hindi nito mapigilan ang maiyak. Nagmano sa kanya ang manugang sabay sabing…

“Ikaw talaga Pa, inunahan mo pa akong mag-drama…”

“‘Wag mong paiiyakin ang anak ko, kung ayaw mong paluhain kita ng dugo.” Biro ni Mang Gener habang pinapahid ang luha.

Nang magsimulang humakbang sina Jefferson at Cassandra patungo sa altar ay nagtinginan sila. Nagpalitan sila ng isang matamis na ngiti ng pagtanggap sa bagong yugto ng buhay nila.

Isang apartment na may dalawang kuwarto ang magkatuwang na nirerentahan ng bagong kasal. Inip na inip na si Jefferson sa unang gabi nila dahil si Cassandra ay nasa kuwarto pa ni Michelle at binabasahan ito ng kuwento. Hindi na nakatiis ang lalaki, kumatok ito sa silid ng anak. Nakabukas naman pala kaya pumasok na ito.

“Sshhh, ‘wag kang maingay, tulog na siya…”

“Tulog na pala, tara na sa kuwarto natin,” Mahinang sabi ni Jefferson.

“S-sandali na lang… baka magising pa siya eh…”

Napansin ni Jefferson na tila kinakabahan ang misis niya. Marahil nag-aalala ito sa magiging unang karanasan. Nilapitan niya ito at hinawakan ang kamay saka inakay papunta sa silid nila.

Nang nasa loob na sila at nakatayo sa tabi ng pintuan ay hinaplos ni Jeff sa pisngi si Cassandra bago ito kinausap.

“Honey… wala kang dapat ipag-alala… I’ll be gentle…” pagkasabi niyon ay masuyong hinagkan ni Jeff ang asawa. Saka kinabig ng isang kamay ang pinto pasara at ini-lock.

Ang gabing iyon ay napuno ng pagsasalo sa pagmamahalan. Dinama nila ang bawat dampi ng pag-ibig sa kanilang mga katawan. Ang luha ng kaligayahan ay hinayaan ni Cassandra na umagos sa kanyang pisngi. Hanggang sa maging ganap ang pag-iisa nila sa gitna ng napakaaliwalas at romantikong gabi.

Related Posts

Pagkatapos ay umunan siya sa braso ni Jeff.

“Happy?” tanong ni Jeff.

“Very happy…”

“Satisfy?”

“Satisfied.”

“Walang very?”

“Sira ka talaga, ba’t ka ba tanong ng tanong?” nakangiting sagot tanong ni Cassandra sa asawa.

“Syempre gusto ko lang masiguro na masaya ang asawa ko sa piling ko at hinding-hindi siya makakaramdam ng kahit konting pagsisisi sa pagpapakasal sa’kin!”

“I’m very much happy and no regrets, promise! Sana gano’n ka rin!” sabay pisil ni Cassandra sa ilong ni Jeff.

Hinawakan ni Jeff ang kamay niya at masu­yong hinagkan.

“Kung masaya ka, mas masaya ako, kaya pwede ba nating ulitin?”

“Ha? ulitin ang alin?”

“‘Yung sharing natin…” halos pabulong at nang-aakit na sabi ni Jeff.

“Sharing???”

“Sharing ng pagmamahal, ‘yung mapapapikit tayo pareho!”

Gets naman ni Cassandra kung anong ibig sabihin ng asawa pero sinasadya niyang laruin ito.

“Ano bang sinasabi mo diyan?”

“Si hon naman eh, alam mo na ‘yon, ‘yung ano…”

“Ano nga?…”

“S.E.X.!” ibinulong pa ito ni Jeff kay Cass.

“Okay, sa isang kondisyon!”

“Ano? Meron pang gano’n?”

“Syempre naman, nakakapagod din yata no!”

“Okay, ano namang kondisyon?”

“Itimpla mo muna ako ng kape!” (Itutuloy)