Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-30 na labas

“Sige po,” Pabulong na sagot ng bata.

Effort to the max ang mag-ama sa paghahanap ng singsing. Nang biglang may maalala si Jeff.

“Teka… nu’ng natulog ako sa kuwarto ni Cass… hindi kaya nailaglag ko ‘yon dun… o baka paghubad ko ng damit nu’ng naligo ako sa cr niya… posible, sa pagkakatanda ko nga nasa bulsa ng pants ko ‘yon eh!”

Pasukan.

Maagang umuwi si Jefferson mula sa trabaho pero hindi pa siya dumiretso sa school para sunduin si Michelle. Dumaan muna siya sa bahay nila Cassandra habang nasa school pa rin ito para magkaroon siya ng pagkakataong hanapin ang singsing. Kinausap niya si Mang Gener tungkol dito.

“Tamang-tama kasi hindi pa nakakapaglinis si Cass, sa Sunday niya balak mag-general cleaning ng kuwarto niya.”

“Buti naman po kung gano’n, e puwede na po ba akong mag-umpisang maghanap?”

“E sige, pasensya ka na hindi kita matutulungan, pinapraktis ko pa lang itong mga paa ko eh!”

“Okay lang po ‘yon, salamat na lang po papa!”

“Papa?”

“O-opo, papa, sigurado naman po ako na oo ang isasagot ni Cassandra kapag nag-propose ako sa kanya kaya ia-advance ko na po ‘yung pagtawag ko sa inyo ng papa!” sabi ni Jeff.

“O sige na nga, ano pa bang magagawa ko, o siya hanapin mo na ang singsing nang hindi napupurnada ‘yang propose-propose mo!”

Ilang saglit pa lang ang nakalipas. Hindi inaasahan ni Mang Gener na mapapaaga ang uwi ni Cassandra. Nabigla siya nang bumungad ito sa pintuan habang nagbabasa siya ng dyaryo sa upuan.

“Anak!”

Lumapit si Cassandra sa ama at nagmano.

“Pa, bakit para kayong nakakita ng multo, ah siguro nagulat kayo kasi napaaga ako ng uwi, sumama po kasi ang pakiramdam ko.”

Related Posts

“G-gano’n ba, e teka halika muna sa kusina at ipaghahanda kita ng makakain!” pigil ni Mang Gener sa anak sa pagpasok nito sa kuwarto. Baka kasi makita nito roon si Jefferson.

“Pa, hindi po ako nagugutom, gusto ko na pong magpahinga.”

“Naku anak ang sabi mo masama ang pakiramdam mo, kaya hindi pwedeng hindi ka kumain bago magpahinga, para kahit mapasarap ang tulog mo at umaga ka na magising e may laman ang tiyan mo!”

Sa likod ng pintuan ng kuwarto ni Cassandra, nauulinigan ni Jeff ang pag-uusap ng mag-ama.

“Patay, inabutan pa’ko…”

Hindi makumbinsi ni Mang Gener ang anak.

“I’m sorry papa pero ayoko po talagang kumain…”

“Hmmm, teka,baka naman naglilihi ka?”

Natawa si Cass sa sinabi ng ama.

“Naglilihi? Malabo po ‘yon, virgin pa po ako papa!”

Sa narinig ay napangiti si Jefferson. Natuwa ang puso niya sa isiping malinis niyang maihahatid sa altar ang babaeng mahal niya.

Walang nagawa si Mang Gener para pigilan si Cassandra kaya naman hinayaan na lang niya itong makapasok sa sariling silid. Bahala na.

Pagpasok ni Cassandra sa loob ng kuwarto niya ay agad niyang ibinagsak ang katawan sa malambot na higaan. Habang si Jefferson ay hindi halos humihinga sa loob ng cr sa kuwarto.

Akala ni Jeff ay mapapaidlip na ang nobya pero bumangon pa ito. Mula sa maliit na butas ng cr ay nakita niya itong kumuha ng damit sa aparador. Napalunok siya dahil mukhang magpapalit ito ng damit. Inalis ni Jefferson ang mata sa butas. Ipokrito siya kung ide-deny niya sa sarili na hindi niya gustong makita ang katawan ng nobya pero ayaw niyang maging unfair dito. Matagal na iningatan ni Cassandra ang katawan kaya igagalang niya iyon at hihintayin na lang niya ang tamang pagkakataon na kusa nitong ipagkakaloob ang sarili sa kanya.

Maya-maya pa ay naisipan ulit ni Jefferson na sumilip sa butas para malaman kung may pagkakataon na ba siyang lumabas mula sa silid. Naisip niya na dahil sa hindi na rin naman niya nakita ang singsing kaya papalitan na lang niya ito ng bago at sisiguraduhin niyang mas maganda. Kasalanan naman niya kung bakit ito nawala. Hindi niya iningatan.

Nakita niyang nakahiga na sa kama si Cassandra at nakapikit. Marahan niyang binuksan ang pinto ng cr at unti-unting inilabas ang ulo mula roon. Pagkatapos ay dahan-dahan ang mga paang inihakbang palapit sa pintuan. Napangiti siya nang masulyapan niya ang maamong mukha ng nobya.

“Napakaganda niya kahit tulog, para siyang si sleeping beauty…” sa isip niya.

Muli siyang humakbang at nabitin ang isang paa niya sa ere nang biglang gumalaw ang dalaga at bumiling ng higa. Saka lamang siya nakahinga at naibaba ang paa nang makitang nakapikit pa rin ito. Malapit na sana siya sa pintuan nang may mahagip ang mga mata niya sa bandang ilalim ng kama ni Cassandra. (Itutuloy)