Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-29 na labas

Sinimulang habuling ni Jefferson ang dalaga. Pero bumilib siya sa bilis nitong tumakbo.

“Teka lang suko na ko!” sigaw ni Jeff.

“Ano? Sumusuko ka na naman?”

Dahil sa sinabi ng dalaga ay tila nagkaroon ng bagong lakas si Jeff kaya muli siyang tumakbo at sa pagkakataong ito ay sisiguraduhin niyang maaabutan na niya ang nobya. Hindi naman siya nabigo dahil nadapa si Cassandra kaya inabutan niya ito at saka gumanti ng kiliti rito.

“Stop it! Give up na’ko!”

Pero walang balak tumigil si Jefferson hanggang sa nagpagulong-gulong sila sa buhanginan at napunta siya sa ibabaw ng dalaga. Kapwa sila natigilan. Napatitig sa mukha ng isa’t isa. Parehong nakikiramdam ang mga puso sa mabilis na pintig nito. Unti-unti ay inilalapit ni Jefferson ang labi niya sa naghihintay na labi ng dalaga. Nang maglapat ang mga labi nila ay tila nakiisa ang malumanay na hampas ng alon sa dalampasigan, ang malamig na dampi sa katawan nila ng sumasayaw na hangin, at mga ibong umaawit sa naligaw na puno sa ‘di kalayuan.

Matapos ang masuyong halik ay nahiga si Jefferson sa tabi ni Cassandra . Hindi alintana ang mga buhanging kumapit na sa damit at katawan nila. Pareho silang tumingala sa langit.

“Sana palagi tayong ganito… ikaw, ako, si Michelle…” si Jeff.

“Sana nga… maganda, mabait at matalinong bata si Michelle, masuwerte ka sa kanya… at masuwerte rin ako dahil anak ko na rin siya ngayon…”

Tumingin si Jefferson kay Cassandra.

“Pero alam mo kung sino ang mas masu­werte?”

“Sino?”

“Ang magiging baby natin, kasi meron na siyang ate na cute, mama na maganda at papa na poging-pogi!”

Natawa si Cassandra.

Related Posts

“Tama ka! Pero matagal pa bago siya duma­ting sa atin!”

“Ano? Hindi no, malapit na tayong magpa­kasal, at pagkatapos no’n gagawin na natin siya agad-agad para makita na niya ang ganda ng mundo!”

“Hindi ka naman nagmamadali niyan?”

“Nagmamadali na nga ako, kasi baka kapag natauhan ang Martin na ‘yon e balikan ka na naman niya at maagaw ka pa niya sa akin!”

Ilang sandali pang nagkuwentuhan ang dalawa.

Nang makabalik sa bahay ng tiyahin ay palihim na hinanap ni Jefferson ang singsing. Hindi kasi niya matandaan kung saan niya inilagay iyon. Inisa-isa niya ang dala nilang gamit. Pero hindi talaga niya makita.

“Naku naman, ang mahal pa naman no’n… tsk,tsk, ano nang ibibigay ko kay Cassandra sa wedding proposal ko?”

“Pa?” si Michelle na lumapit sa ama.

“O Michelle, mukhang okay na okay na ang pakiramdam mo ah, sa sabado uuwi na tayo para makapag-ready ka na sa school.”

“Opo papa, may hinahanap ka po ba?”

Tumigil sa paghahanap si Jefferson at humarap sa anak.

“Meron pero secret lang natin ha!”

“Ano po ‘yon?”

“‘Yung ring na ibibigay ko sa mama Cassandra mo, hindi ko makita e, napansin mo ba?”

“Wala po eh, tutulungan ko na lang po kayong maghanap!”

“Sige,magandang idea ‘yan pero ‘wag kang maingay maghanap ha, baka may makaalam ng secret natin!” (Itutuloy)