Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 625

Ika-28 na labas

Sa kuwarto ni Cassandra pinatulog ni Mang Gener si Jefferson. Habang nakahiga sa kama ng dalaga ay hindi pa rin mapalagay si Jeff. Ilang ulit pa rin niyang sinubukang kontakin ang nobya. Pero wala pa rin. Tumatawag din siya sa Batangas para kumustahin si Michelle at alamin kung nakarating na doon si Cassandra.

Ayon sa tiyahin ay maayos naman daw si Michelle, nakainom na ng gamot at mahimbing na ang tulog. Pero wala pa raw dumarating na babae roon.

“Asan ka na ba hon?…”

Dahil hindi pa makatulog ay bumangon muna si Jeff at tiningnan ang frame ni Cassandra na nasa side table nito.

“Hon, sana okay ka lang,dahil hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa’yo…”

Kinabukasan. Nagulat si Michelle nang makita kung sino ang katabi niya sa higaan.

“Mama?”

Nagising si Cassandra.

“O, gising ka na pala…mabuti at hindi ka na mainit…” Sinalat ni Cassandra ang noo at leeg ng bata.

“Mama, sabi ko na nga ba darating ka eh… pero nasaan po si papa?”

“B-baka maya-maya lang nandito na rin ‘yon…Sobrang gabi na’ko dumating kaya hindi na kita ginising, nasiraan kasi ang bus na sinakyan ko, tapos nagkaligaw-ligaw pa’ko! Mabuti na lang at gising pa ang  inang mo nang dumating ako at siya na rin ang nagsabi sa’kin na umalis pala ang papa mo para puntahan ako…”

“Kung hindi kayo nagkita, siguradong nag-aalala na rin po si papa.”

“Wag kang mag-alala, icha-charge ko ang cellphone ko at tatawagan ko siya.”

Matapos mag-almusal ay nagpaalam si Cassandra sa tiyahin ni Jefferson na maglalakad-lakad lang muna sa tabing dagat na malapit lang mismo sa bahay ng mga ito.

“Michelle,dito ka na lang muna ha, magpahinga ka at pag okay na okay na ang pakiramdam mo,mamamasyal tayo!”

“Sige po. Wag po kayong masyadong lalayo kasi baka maligaw na naman po kayo!” nakangiting paalala ng bata.

Habang nakaupo sa buhanginan ay idinayal ni Cassandra ang number ni Jefferson. Saglit lang at sinagot na ito ng lalaki.

“Nasaan ka na? hinihintay ka na ni Michelle…”

“Mabuti naman at naisipan mong tumawag, pinag-alala mo kaming lahat…”

“Nasiraan ang bus ko, nalobat ako at naligaw…acceptable reasons diba?”

“Thank God at hindi ka napahamak…sorry hon, dahil sa pagseselos ko, masyado kang naabala at naharap sa aberya…”

“Gusto ko ring mag-sorry sa’yo, pero mag-usap na lang tayo pagdating mo, nasaan ka na ba?”

“Kung nasaan ka…”

Natigilan si Cassandra at napalingon.

“JEFF!”

Nakatayo na pala ang lalaki sa likuran niya habang hawak ang cellphone. Kahit hindi pa lubos na nagkakaintindihan ay hindi napigilan ni Jefferson na lapitan at yakapin ang dalaga.

“I miss you hon!” bulong nito.

“I miss you too!” pabulong ding sagot ni Cassandra.

Hinawakan ni Jeff ang kamay ng nobya at inaya niya itong maglakad-lakad habang nag-uusap sila.

“Jeff, gusto ko ring mag-sorry…sa nakita mo sa amin ni Martin…he kissed me pero pinwersa niya lang ako…”

“Okay sige, naiintidihan ko na…pero ano naman ang ibig sabihin ng mga pag-so-sorry mo sa kanya sa ospital?”

“Ospital?”

“Oo, pinuntahan kita at narinig ko ‘yon, humihingi ka ng sorry habang hawak mo ang kamay niya…nag-alala ako na baka yung sorry na ‘yon ay dahil nasaktan mo siya,tapos na-realize mo rin na siya pa rin pala yung mahal mo…”

“What? So you jump into conclusion without asking me? Kaya ka ba nag-stokwa?”

Napangiti si Jefferson.

“Sorry hon, siguro nga mababaw ako,sensitive…sa konting pagkakamali na nakita ko, naduwag agad ako at tinakasan ka…pero pa­ngako hindi na mauulit ‘yon.”

Huminto sila sa paglalakad pero hindi binibitawan ni Jeff ang kamay ni Cassandra.

“Dapat lang na mangako ka, kasi kung hindi, hindi tayo makakarating sa altar!”

“Altar?” biglang naalala ni Jefferson ang singsing.

“Oo, bakit wala ka bang plano na ihatid ako sa altar?”

“Syempre meron, as soon as possible…”

“E bakit parang namutla ka?”

“Wala, meron lang kasi akong hindi maalala…”

“Ano naman yung nakalimutan mong ‘yon? Importante ba?”

“Oo,importante,pero mamaya ko na lang sasabihin sa’yo…”

“Ah mamaya?”  kinurot ni Cassandra sa beywang ang lalaki.

“Ah gusto mo ng kilitian?”

“Sige, kung maaabutan mo ko!” sabay takbo ng dalaga palayo.

“Ako pa ang hinamon mo, winner yata ako sa track and field ng intrams namin dati!” (Itutuloy)