Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-27 na labas

“O pre, anong balita diyan?”

“P’re ‘di ba ‘yung girlfriend mo taga-Bagumbayan, Navotas?”

“Oo bakit?”

“Ang laki ng sunog do’n ngayon, rumesponde na ‘yung ibang kasamahan natin, pasunod pa lang kami ngayon!”

“Sunog sa Navotas?…”

Sobrang kinabahan si Jefferson. Nag-alala agad siya kay Cassandra at sa ama nitong naka-wheelchair.

Sumandal naman si Michelle sa ama, dahilan para mahipo nitong mainit ang anak.

“Michelle, may lagnat ka yata, mainit ka eh…”

“Para nga pong masama ang pakiramdam ko, papa… pero kailangan mong puntahan si mama…”

“Hindi kita pUwedeng iwan Michelle, may lagnat ka, buti pa pumasok na tayo sa bahay.”

“Papa, nandito naman po si Inang, may magbabantay naman po sa’kin at saka babalikan n’yo naman po ako agad, ‘di ba? Isama n’yo si mama pagbalik n’yo rito,” sabi ni Michelle habang pabalik sila sa tinutuluyang bahay na ang tinutukoy na inang ay ang tiyahin ng papa niya na tinutuluyan nila roon.

“Pero anak…”

“Sige na po papa, please? Promise po iinom po ako ng gamot!”

Habang sa daan ay hindi mapakali si Jefferson. Iniisip niya ang may lagnat na anak at iniisip din niya si Cassandra at ang ama nito.

“Ang tanga-tanga ko, dapat hindi na kami umalis ni Michelle, baka hindi siya nilagnat, baka napuntahan ko agad si Cassandra…” sa isip niya habang nakatanaw sa bintana ng bus.

Nadaanan pa ng sinasakyan niyang bus ang isang bus sa kabilang side ng highway na nasiraan.

“Tsk, tsk, kawawa naman, kung kailan gabi na…”

Lingid kay Jefferson, isa sa mga pasahero ng nasiraang bus si Cassandra.

“Naman! Bakit ngayon pa’ko nalobat!” reklamo ng dalaga sa sarili.

Related Posts

“Ate, matatagalan pa kaya bago magawa itong bus?” tanong ng isang teenager kay Cassandra na kapwa pasahero niya.

“Sana hindi pero nadinig ko kanina ‘yung konduktor na ililipat na lang daw tayo ng ibang bus…”

Hindi alam ni Cassandra kung bakit parang kinakabahan siya na hindi niya mawari.

Alas-10:00na ng gabi nang makarating si Jefferson sa bahay nina Cassandra. Nakahinga siya nang maluwag nang makita si Mang Gener na inaayos na ang mga gamit at ibinabalik sa dati.

“Tito Gener!”

Napalingon ang matanda.

“Jeff! Si Cassandra?”

“Ho? E kaya nga ho ako napasugod dito mula sa Batangas kasi nabalitaan ko po ang sunog, nag-alala po ako sa inyong dalawa…”

“Dalawang bahay na lang ang pagitan sa bahay namin nang maapula ang sunog pero si Cassandra, sinundan niya kayo sa Batangas, kanina pa siyang umaga umalis!”

“S-sinundan niya po kami? Pero alam po ba niya ang lugar namin do’n?”

“Si Aling Mameng ang nagbigay ng address sa kanya…”

Mas dumoble ang pag-aalala ni Jefferson dahil sa bus pa lang ay hindi na niya makontak ang nobya.

“Tito, aalis na po ako, hahanapin ko siya, iuuwi ko po siya ritong safe kaya ‘wag na po kayong mag-alala.”

“Aasahan ko ‘yan Jeff.”

“E tito Gener, okay lang po ba kayo rito?”

“Oo, kasama ko ang nakababata kong kapatid na babae, siya rin ang tumulong sa’kin sa pag-iimpake kaninang may sunog, lumabas lang siya sandali para bumili ng makakain. Pero Jeff, gabing-gabi na, agahan mo na lang ang alis bukas”

“Pero…”

“Pareho lang tayong nag-aalala, iniisip ko baka nasiraan siya, nalobat o anuman pero ayokong isipin na may nangyaring mas malala pa roon. Magdasal tayo at magtiwala sa Diyos.”

“Nasiraan? Tito Gener may nadaanan nga akong bus na nasiraan sa highway kanina pero ni hindi ko naisip na maaaring nandoon siya pero posible po ‘di ba?”

“Tama ka, mabuti pa dito ka na magpalipas ng gabi,at bukas pag-alis mo balitaan mo agad ako.” (Itutuloy)