Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-25 na labas

“Papa, kailan n’yo po ba ibibigay ang sing­sing na ‘yan kay Mama Cass?” pansin ng bata sa singsing na hawak ng ama.

“Mabuti pa matulog ka na, dapat masanay ka na ulit na matulog ng maaga kasi malapit na ang pasukan, para hindi ka mahirapang mag-adjust,” iwas ni Jeff sa tanong ng anak.

“Papa excited na po ako sa pasukan! Kasi po magiging teacher ko na si mama!”

“Talaga?…” halatang walang sigla sa boses ni Jeff.

“Hindi ka po ba happy?”

Hinimas ni Jefferson ang anak sa buhok nito.

“Syempre happy ako, sige na pumasok ka na sa loob at matulog ka na ulit ha.”

Sumunod naman ang bata. Maya-maya ay tsinek ni Jefferson ang anak kung tulog na talaga ito. At saka siya lumabas ng bahay para bumili ng beer. Mag-isa niyang nilunod ang sarili sa alak sa loob ng bahay hanggang sa makatulog na siya sa kalasingan. Hindi naman kasi siya sanay uminom. Bihirang-bihira lang kaya madali siyang tablan ng espiritu nito.

Samantala. Hindi naman makatulog si Cassandra dahil sa nangyari. Kanina pa niya sinusubukang tawagan si Jeff pero hindi nito sinasagot ang tawag niya. Kaya bukas na bukas din ay pupuntahan niya ito.

Kinabukasan. Papunta na sana siya kina Jefferson nang makasabay niya sa abangan ng jeep ang pinsan ni Martin na si Lupe.

“Ate Cass, alam mo na ba?” ate ang nakasanayan nitong itawag sa kanya dati pa.

“A-ang alin?”

“Nabangga ang koste ni Kuya Martin kagabi! Papunta nga ako ngayon sa ospital e. Saan ba ang lakad mo, baka gusto mo munang dumaan kay kuya?”

“H-ha?”

Nakaramdam ng pag-aalala si Cassandra kay Martin kaya pinili niya na puntahan muna ito bago si Jeff.

Samantala. Dumating si Jefferson sa bahay nina Cassandra. Si Mang Gener lang ang inabutan nito.

“O akala ko pupuntahan ka niya? Baka nagkasalisi kayo?” ani Mang Gener.

Related Posts

“G-gano’n po ba?”

“Sandali tatawagan ko, aalamin ko kung nasaan na siya.”

Saglit lang at kausap na ni Mang Gener sa cellphone ang anak. Dahil may kahinaan na ang pandinig ni Mang Gener kaya automatic nang naka-loud speaker ang cellphone nito.

“Anak nasaan ka na ba?”

“Nandito ako sa Tondo med, pinuntahan ko si Martin, nabangga po kasi ang kotse niya kagabi…”

“Ha? E, kumusta naman siya? Teka magtatagal ka ba diyan?”

“Pa, hindi pa po nagkakamalay si Martin…” halata ang pag-aalala sa tinig ni Cassandra.

“Jeff, hindi ko na sinabi na nandito ka kasi baka mag-alala siya, mabuti pa puntahan mo na lang siya do’n, wala naman sigurong masama sa ginawa niyang pagbisita do’n sa naaksidente?”

Tumango si Jefferson. Nang lumabas siya sa gate ay nagdalawang isip siya kung dapat ba niyang sundan doon ang nobya o hintayin na lang niya itong umuwi? Pero sa huli ay nakumbinsi pa rin ni Jeff ang sarili na puntahan ito roon.

Bahagyang nakabukas ang pinto ng room ni Martin nang dumating si Jefferson kaya bahagya niyang nasilip ang loob nito. Tulad ng narinig niyang sinabi ng dalaga kanina, wala pa ring malay si Martin. Nakabenda ang ulo nito. Nakaupo si Cassandra sa upuang nasa gilid ng kama nito.

Hinawakan ni Cassandra ang kamay ni Martin.

“Martin… I’m sorry… I’m sorry…” kahit mahina ang tinig ni Cassandra ay nakaabot pa rin iyon sa pandinig ni Jefferson.

Naging palaisipan kay Jefferson kung ano ba ang ibig sabihin ng paghingi ng sorry ni Cassandra? Nagsisi na ba ito na minahal siya gayong babalik pa pala sa buhay nito ang lalaki? O na-realize na ba nito na ang lalaking ‘yon pa rin ang mahal?

Marahan niyang inihakbang ang mga paa palayo sa silid na iyon kaya hindi na niya narinig pa ang mga sumunod na sinabi ng dalaga.

“I’m sorry kung nangyari sa’yo ‘to… bakit kasi kailangan mo pang magpakalasing sa bar, at saka ka nagmaneho… you don’t deserve this… kahit nasaktan mo ako dati hindi ko naman hiniling na masaktan rin kita ngayon… hindi ko hiniling na maramdaman mo rin ang sakit na naramdaman ko noon nang ipagpalit mo ako sa iba… pero wala na akong magagawa, hindi ko na masusuklian pa ang pagmamahal mo dahil may iba ng nagmamay-ari ng puso ko… I’m really sorry…”

Mabigat man sa loob ay isang desisyon ang nabuo ni Jefferson.

“Papa, saan po tayo pupunta?” tanong ni Michelle nang makitang nag-iimpake ng damit ang papa niya.

“Magbabakasyon sa probinsya.” (Itutuloy)