Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-24 na labas

“Nagkamali ako, Cass, patawarin mo ko… bigyan mo pa’ko ng huling pagkakataon…”

“Tumayo ka please, may mahal na’kong iba, tanggapin mo na ‘yon…”

“Hindi, naniniwala akong ikaw pa rin ang nakalaan para sa’kin… at naniniwala akong nandiyan pa rin ako sa puso mo…”

Mabigat na mabigat ang puso ni Cassandra. Ito ang pagkakataon na matagal niyang hinintay sa buhay niya. Ang bumalik si Martin at sabihing siya pa rin ang mahal nito. Pero ngayong nangyari na, iba na ang nararamdaman ng puso niya, hindi na niya ito gustong mangyari pa.

Tumayo si Martin mula sa pagkakaluhod at muling naupo sa tabi ng dalaga. Hinaplos ang mukha nito at tinangkang halikan sa labi pero umiwas si Cassandra.

“Umalis ka na!” sabay tulak nito sa binata.

Tumayo ang dalaga. Pero hinila siya ng binata at niyakap.

“Sa akin ka lang Cassandra, sa akin ka lang!” tila nagmamakaawa ang tinig nito. Pero naging marahas ang kilos. Pinilit nitong mailapat ang labi sa labi ng dalaga.

Nagpumiglas si Cassandra pero sadyang malakas si Martin.

Biglang bumungad sa pintuan si Jefferson na ikinabigla nila.

“Hon!”

Mabilis na nilapitan ni Jefferson si Martin at isang malakas na suntok ang ibinigay niya rito.
“Jeff, tama na! Umalis ka na Martin!”

Pero hindi pumayag si Martin na hindi niya magantihan ang lalaki. Nakipagpalitan siya ng suntok rito habang inaawat sila ni Cassandra.

“TAMA NA ANO BA! TUMIGIL NA KAYO!” umiiyak na awat ng dalaga. Pilit siyang pumagitna sa dalawang lalaki.

Matatalim ang tinginang ibinato nina Martin at Jeff sa isa’t isa bago nagpasyang lumabas ng bahay ang una.

Related Posts

“Sino siya?” tanong ni Jefferson sa nobya.

“S-si Martin…”

“So siya pala ‘yon, siya ‘yung lalaking nang-iwan at nanakit sa’yo… pero bakit siya nandito? Bakit ka niya hinahalikan?”

“Nakikipagbalikan siya sa’kin… pero sinabi ko namang may mahal na akong iba…”

“Pero nakipaghalikan ka pa rin sa kanya?”

“Hindi, mali ang iniisip mo!”

“Kung mali ang iniisip ko, mali rin ba ang nakita ko?”

Hindi agad nakakibo si Cassandra. Paano nga ba niya ipagtatanggol ang sarili niya kung nakita mismo ng dalawang mata ni Jefferson na nakalapat ang labi niya sa labi ni Martin?

“Kunsabagay, kung sobrang lalim ng iniwan niyang sakit sa puso mo, ibig sabihin lang no’n na ganoon din kalalim ang pagmamahal mo sa kanya, at ngayong bumalik na siya sa buhay mo, hindi kita masisisi kung piliin mo siya…” pagkasabi niyon ay walang lingon-likod na lumabas na rin ng bahay si Jeff.

“Hon, sandali, JEFF!”

Gabi. Nakaupo si Jefferson sa duyan sa harap ng bahay nila habang tinititigan ang hawak na singsing na plano niyang ibigay kay Cassandra kapag nag-propose na siya rito.

“Pa…” si Michelle na nasa pintuan.

“O, anak ‘kala ko tulog ka na?”

“Nagising po ako… pa… bakit po kayo may sugat sa mukha?”

“W-wala ‘to… konting eksidente lang sa trabaho…”

Lumapit ang bata sa ama niya. (Itutuloy)