Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-23 na labas

Saglit na natigilan si Eloisa sa kabilang linya.

“B-bumalik?”

“Oo, dinatnan ko siya rito kanina sa bahay…”

“Really? O ano raw? Bakit daw siya bumalik, may nakalimutan ba siya?” inis na biro ni Eloisa.

“Gusto niya akong balikan…”

“Oo nga naman, ikaw nga pala ‘yung nakalimutan niya, so kaya mo ba ako tinawagan para humingi ng opinion?”

“Hindi ko alam… basta gusto ko lang ng makakausap…”

“Gano’n na rin ‘yon, sa ayaw mo at sa gusto magbibigay ako ng opinion, pero before that may itatanong muna ako sa’yo, may doubt ka ba sa nararamdaman mo para kay Jefferson?”

“H-ha? Sinagot ko siya dahil mahal ko siya…”

“Kung mahal mo siya e ‘di walang problema, just tell Martin na may mahal ka ng iba period!”

“Sana nga gano’n lang kadali ‘yon…”

“OMG friend! Feeling teenager lang tayo pero hindi na tayo teenager para ma-confuse pa sa nararamdaman natin. Unless may feelings ka pa ring natitira para sa lalaking ‘yon na nagpaiyak lang naman sa’yo at nagpahirap sa puso mo ng maraming taon!”

Tama si Eloisa. Naisip ni Cassandra bakit nga ba parang bigla siyang namroblema sa pagbabalik ni Martin? Tahimik na ang puso niya na nagmamahal ngayon kay Jefferson, hindi na niya dapat pang alalahanin kung anuman ang mararamdaman ni Martin ngayong may mahal na siyang iba, kung nasasaktan man ito ngayon, hindi na niya kasalanan ‘yon, after all sapat na ang sakit na idinulot sa kanya ng dati niyang pag-ibig.

Mula sa pagkakahiga ay bumangon si Cassandra. Kinuha ang box na naglalaman ng alaala ni Martin. Ilang saglit na tinitigan iyon bago nagpasyang dalhin iyon sa likuran ng bahay. Inilagay sa kalahating drum na basurahan at saka sinindihan.

“Naka-move on na’ko Martin… wala ka nang babalikan…”

Habang tinititigan ang nasusunog na mga larawan nila ay hinayaan lang ni Cassandra na pumatak ang luha niya.

Desidido si Martin na balikan si Cassandra at makuha muli ang tiwala nito. Pinuntahan niya ulit ito sa bahay. Pero hindi niya ito inabutan dahil umalis daw ito kasama ang boyfriend na si Jefferson.

“Martin, may boyfriend na ang anak ko kaya ako na mismo ang nakikiusap sa’yo, hayaan mo na siyang lumigaya sa piling ng iba.”

“Pero tito, gusto ko po siyang ipaglaban.”

“Ipaglaban? E hindi ba’t ipinaglaban ka na niya dati pero ikaw mismo ang nagtulak sa kanya palayo?”

Hindi nakaimik ang binata.

Ayaw mang maging bastos ni Mang Gener pero pinagsaraduhan pa rin niya ng pinto ang binata para iparamdam rito na hindi na ito welcome sa bahay nila.

Gayunpaman, matiyaga pa ring naghintay si Martin sa labas ng bahay ng dating nobya.

Related Posts

Naupo siya sa batuhan na nasa gilid ng gate. Tumayo. Nagpalakad-lakad sa harapan habang nag-iisip. Nang mapagod ay pumasok sa loob ng kotse at doon na lang naghintay. Maya-maya pa ay natanawan niya na bumababa mula sa jeep si Cassandra kasama ang boyfriend nito.

Agad na napansin ni Cassandra ang nakaparadang kotse ni Martin malapit sa bahay nila pero hindi niya iyon ipinahalata kay Jefferson. Diretso silang pumasok sa loob ng bahay.

Napuno ng panibugho ang puso ni Martin sa nakita. Bakit ba niya iniwan si Cassandra noon para sumama sa iba? …Sa isang babae na mayaman at kayang tugunan ang pangangailangan niya at ng pamilya niya sa lahat ng material na bagay? Pero hindi nito nakayang tumbasan ang pag-ibig na kay Cassandra lang niya naramdaman… Kaya ngayon ay puno siya ng pagsisisi. Hindi siya papayag… gagawin niya ang lahat para mabawi si Cassandra sa lalaking ‘yon…

Mula sa bintana ay palihim na tinanaw ni Cassandra ang pagharurot ng kotse ni Martin palayo sa lugar na iyon.

Pag-uwi ni Jefferson sa bahay ay dinatnan niya si Aling Mameng.

“Naku mabuti at nandito ka na, Jeff, meron kasi akong mga bagong pahulugan ngayon, eto o, mga singsing, naisip ko kasi baka gusto mong bigyan si Cassandra!” nakangiting bungad ng matanda.

“E mga tunay ho ba ‘yan?”

“Oo naman, may 10k, may 18, may 24, depende sa klase ng pagmamahal mo kay Cassandra!” biro pa ng matanda.

“Naku, wala hong katumbas na karat ang pagmamahal ko kay Cass! Saan naman ho galing ang mga ‘yan?”

“Kay Loida, ‘yung pamangkin kong nasa States, kakauwi lang niya kahapon, may ibinigay nga akong chocolate kanina kay Michelle e. Pero etong mga ‘to, porsyentuhan lang ako rito, sayang din naman, ‘di ba?”

Excited na sinipat ni Jefferson ang mga ini­aalok ni Aling Mameng. Isang 24k ang napili niya na may design na magkakabit na puso sa gitna. Naisip niyang ito ang ibibigay niya sa nobya kapag nag-propose na siya. Pinaghahandaan na kasi niya ang araw na ‘yon.

Sunday. Nagdidilig si Cassandra ng mga halaman nang biglang dumating si Martin.

“Martin…”

“Pwede ba kitang makausap ulit?… Kahit ito na ang huli…”

Pinatuloy ito ng dalaga.

“S-si Tito Gener?”

“Kaaalis lang, sinamahan siya ng uncle ko sa therapist.”

Naupo sila sa sofa.

“Kung tutuusin wala na naman tayong dapat pang pag-usapan pero pagbibigyan kita, Martin, sabihin mo na lahat ang gusto mong sabihin dahil ito na ang huling beses na mag-uusap tayong dalawa.”

Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Martin sa nais sabihin.

“Cass, sumama ka na sa akin sa America, nagkaroon ako ng maliit na business do’n at pinapangako ko sa’yo na magiging masaya tayo at hindi ka na ulit masasaktan pa…”

Nagulat si Cassandra sa sinabi ng lalaki.

“Nababaliw ka na ba?”

“Oo, pakiramdam ko nababaliw na ako dahil hindi ko alam kung paano ko maibabalik sa dati ang lahat, ‘yung tayo lang dalawa…”

Lumuhod si Martin sa harap ng dalaga at hinawakan ang mga kamay nito na ikinabigla ng huli. (Itutuloy)