Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-22 na labas

Pagbalik ni Cassandra sa kanila ay nagulat siya sa dinatnan niyang bisita na kausap ng papa niya sa salas.

“MARTIN?”

“Cass…”

“Kadarating lang ni Martin, sige maiwan ko na muna kayo,” ani Mang Gener na makahulugang tiningnan ang anak bago nito tuluyang itinalikod ang wheelchair.

Naupo sa sofa si Cassandra. Tinabihan siya ng binata.

“Anong ginagawa mo rito?”

“Para kausapin ka…”

“Wala na tayong dapat pag-usapan.”

Hinawakan ni Martin ang kamay ni Cassandra pero agad iyong binawi ng huli.

“M-marami akong gustong sabihin sa’yo… gusto kong mag-explain…” ani Martin.

“Para saan?”

“Para makabalik ako sa buhay mo… at sa puso mo…”

Natigilan si Cassandra. Marami rin siyang gustong sabihin sa binatang matagal niyang hinintay na magbalik sa buhay niya, pero tila naumid ang dila niya.

“I know malaki ang kasalanan ko sa’yo… pero wala na kami…”

“Kaya ka ba bumalik dito dahil wala na kayo?”

“Wala na kami dahil sa’yo…”

“Dahil sa’kin?”

Ipinakita ni Martin ang suot na kuwintas na si Cassandra mismo ang nagbigay dati.

Related Posts

“Natatandaan mo ba’to? Regalo mo sa’kin nung huling birthday ko na magkasama tayo… Dahil dito naghiwalay kami… dahil dito na-realize kong hindi pa pala kita nakakalimutan…”

Hindi kumibo si Cassandra kaya nagpatuloy sa pagkukuwento si Martin.

“May iniregalo rin siya sa aking kuwintas… pero hindi ko ‘yon sinuot dahil ayokong hubarin ang kuwintas na galing sa’yo… ito na lang kasi ang natitira mong alaala sa akin… nagalit siya… hindi ko alam na magiging mitsa ‘yon para unti-unti siyang lumayo sa’kin… mula noon palagi na kaming nagtatalo at dumating sa point na sumama na siya sa iba… nu’ng panahon na naiwan akong mag-isa, wala ka at wala siya… isa lang sa inyo ang hindi naalis sa isip ko… at ikaw ‘yon Cassandra…”

Hindi makapaniwala ang dalaga. Pinaglalaruan ba siya ng tadhana? Paano pa niya matatanggap ang katotohanang ito na iniharap sa kanya ni Martin kung ang puso niya na matagal naghintay dito ay ibinigay na niya sa iba?

“Umalis ka na Martin… please?”

“M-may iba na sa puso mo tama ba?”

“Limang taon na ang lumipas… sa tingin mo ba, daratnan mo pa rin kung anong iniwan mo dati?”

“Umaasa akong ganoon nga…”

“Puwes nagkakamali ka… ilang taon kong dinala sa puso ko ang sugat na iniwan mo… ngayon naghilom na ang sugat dahil sa pagmamahal ng iba, wala nang dahilan para tanggapin pa kita…”

“Sige, aalis ako ngayon pero sana pag-isipan mo Cassandra… dahil ngayong natiyak ko na ang tunay na laman ng puso ko, handa akong gawin lahat para ipaglaban ka…” pagkasabi niyon ay tumalikod na ang lalaki at lumabas ng bahay.

Nagpupuyos ang kalooban ni Cassandra habang tinatanaw ang papalayong kotse ng binata.

“Sino ka ba sa akala mo, Martin?… kahit iniwan mo ko para sa iba, naghintay pa rin ako kahit masakit… pero nakakapagod din pala ang umasa… kaya ngayong masaya na ako sa piling ng iba hindi ko na hahayaang mahulog ang puso ko sa balon ng kalungkutan na pinagsadlakan mo sa’kin dati…” sa isip niya.

Napaiyak si Cassandra sa isiping iyon. Naghilom na nga ba talaga ang sugat sa puso niya, o nanariwa ito sa muli nilang pagkikita ng lalaking dati niyang minahal nang lubos?

Nang gabi ring iyon ay naisip tawagan ni Cassandra ang kaibigang si Eloisa.

“Mabuti naman at napatawag ka, kasi kukubrahin ko na sana ‘yung panalo ko sa pustahan natin, next week na ang concert ng idol ko wala pa rin akong ticket!” himutok ni Eloisa.

“Alam mo para kang teenager… but don’t worry ibibigay ko na ang prize mo…”

“Good! Pero bakit parang hindi ka good ngayon, ang sad ng voice mo eh, may problema ka ba?”

“Si Martin kasi…”

“Na naman? May Jefferson ka na, kalimutan mo na ‘yung lalaking ‘yon!”

“Bumalik siya…” (Itutuloy)