Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-21 na labas

“Woohhh! Sagutin na ‘yan!” sabay-sabay na tukso ng mga kapwa pasyente sa kanila.

“Okay fine, sige na, oo na, sinasagot na kita!”

“Talaga? Yes!” sa tuwa ay nayakap ni Jeff ang dalaga habang nakaupo siya sa kama. Lalo namang umugong ang panunukso ng mga kasama sa loob ng silid.

“Pakain ka naman!” kantyaw ng mga ito kay Jefferson.

“Oo naman, salamat sa mga boto nyo, kaya magpapa-burger ako!” tuwang-tuwang sabi ng lalaki.

Ang mga sumunod na araw ay mas higit na naging makulay para kina Cassandra at Jefferson. Madalas bumisita si Jeff sa dalaga pero mas napapadalas ang bisita ni Cassandra sa bahay nila Jeff dahil kay Michelle.

“Mama, siguro naman po pwede mo nang ituloy ‘yung kinuwento mo sa akin dati tungkol sa bulaklak at sa diwata?” tanong ni Michelle habang nakaupo sila sa duyang lubid na inilagay ni Jeff sa harapan ng bahay nila.

“Oo nga pala, halos nalimutan ko na ang kuwento na ‘yon…pero sige ire-remind ko sa isip ko…”

Saglit na nag-isip ang dalaga.

“Okay naalala ko na…nu’ng minadyik ng diwata ang malungkuting bulaklak, hindi pa rin ito naging masaya…kaya naisip ng diwata na samahan ang bulaklak at maging kaibigan niya, nang sa gayon ay hindi na ito mapag-isa at malungkot pa…”

“Ah, kaya po ba malungkot ang bulaklak dahil wala siyang kaibigan?”

“Hindi, iyon lang ang naisip ng diwata, kahit ang totoo marami namang nagmamahal kay bulaklak…”

“E ano pong dahilan ng kalungkutan ni bulaklak?”

“Kasi ‘yung pinakamalapit niyang kaibigan na kapwa bulaklak ay pinitas na…pinitas para ialay sa iba…pero tulad nga ng sinabi ko, nagkaroon siya ng bagong kaibigan, ang diwata kaya unti-unti ay napawi na ang lungkot ni bulaklak!”

“Parang ako po si bulaklak ano? Dati po kasi malungkot ako dahil nawala si mama, pero parang kayo po ang diwata na dumating sa buhay ko para pasayahin ako!”

“Pwede, pero pwede rin namang ako si bulaklak, at ikaw ang sobrang cute na diwatang hindi umalis sa tabi ko at nagbigay ng bagong kulay sa buhay ko…”

“Talaga po? Pero ‘di ba po lahat ng kuwento may aral?”

“Oo naman, at ang lesson sa kuwento ko, ang pakikipagkaibigan ay gamot sa kalungkutan!”

Mula sa bintana ng bahay ay nakangiting pinagmamasdan ni Jefferson ang dalawang babae na mahalaga sa buhay niya. At natutuwa siyang napakaganda ng samahan ng mga ito.

Saglit na nagpaalam si Michelle kay Cassandra para magbanyo. Ito naman ang pagkakataon na hinihintay ni Jefferson. Nilapitan niya ang dalaga at tinabihan ito sa lubid na duyan.

“Hay, akala ko hindi na ako makakasingit!” biro niya.

Hinawakan niya ang kamay ni Cassandra.

“Alam mo ako na ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo!”

“Bakit?”

“Dahil kahit hindi ako mayaman, meron naman akong napakabait at napaka-cute na anak, tapos meron din akong sobrang bait din at napakagandang asawa!”

“Asawa?”

“Oo, ikaw!”

Related Posts

“Girlfriend mo pa lang ako, hindi pa tayo mag-asawa.”

“Oo nga pala, hayaan mo mag-iipon ako para paghandaan ang araw ng kasal natin!”

“Hindi pa’ko handa. Matatagalan pa siguro…”

Nawala ang ngiti sa labi ni Jefferson.

“Hoy, ‘wag ka ngang O.A. sinabi ko lang na hindi pa’ko handa lungkut-lungkutan ka na agad diyan!”

“Nag-aalala kasi ako eh…baka makipag-break ka pa sa akin, kaya gusto kong itali na kita sa puso ko at sa buhay ko para hindi ka na makawala!” sabi ng lalaki habang nilalaro sa kamay niya ang palad ni Cassandra.

“Hindi ka lang pala, O.A. korni ka pa!” natatawang sabi ng dalaga.

Inakbayan ni Jeff ang nobya.

“Ganyan talaga pag-inlove!”

Malapit nang matapos ang bakasyon kaya sinulit na ito nina Jefferson at Cassandra. Umakyat sila ng Baguio kasama si Michelle.

Nag-leave si Jeff sa trabaho ng tatlong araw. Dahil wala naman silang kakilala doon kaya nag-rent lang sila ng kuwartong matutuluyan sa loob ng 3 days.

Ang tatlong araw na iyon ay napuno nang pagmamahalan. Kain, tulog, pasyal, picture-picture, sinugurado nila na walang magiging puwang ang kalungkutan.

Palubog na ang araw. Nakatulog si Michelle sa sobrang pagod dahil sa maghapon nilang pamamasyal. Pero sina Jeff at Cass ay tila kulang pa ang oras sa maghapon na magkasama sila kaya maging ang lamig ng paparating na gabi ay gusto nilang angkinin.

Magkatabi silang naupo sa pinakababang baitang ng hagdanan ng inuupahan nilang kuwarto.

“Ang sarap damhin ng lamig no?” si Cass.

“Oo nga eh…ang sarap magpainit…”

“Magpainit?”

“Mag…painit sa bon fire.”

“Ah, okay,,,akala ko magpainit ng tubig pampaligo.”

Nagkatawanan sila dahil deep inside ay parehong init ang sumagi sa isip nila.

Hinawakan ni Jefferson ang kamay ni Cassandra at inaya itong tumayo at lumakad ng konti. Tumanaw sila sa magandang view sa ibaba na abot ng tanaw nila.

“Wow! Ang ganda pala ng view sa ibaba!” bulalas ni Cassandra na ang nakikita ay mga sunflower.

Humarap si Jefferson kay Cassandra.

“Mas maganda ka sa mga bulaklak na ‘yan…” sabay titig nito sa mukha ng dalaga.

“Talaga o bola?”

“Bakit hindi ka ba naniniwalang maganda ka?”
“Syempre naniniwala ako…”

Hindi na umimik si Jeff. Sa halip ay unti-unti nitong inilapit ang mukha sa babae. Hindi naman umiwas si Cassandra. Tila naghihintay ang mga labi sa paglapat ng labi ng nobyo. Hanggang sa maglapat na nga ang kanilang mga labi at kapwa maramdaman nila ang tamis ng kanilang halik. Marahan…masuyo…at nababalot ng pag-ibig.

“I love you honey…” si Jeff.

“I love you too hon…” tugon naman ni Cassandra. (Itutuloy)