Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-19 na labas

“Ang ipinagkaiba lang, ikaw bata pa…ako matanda na…marami ka pang pagkakataon para sumaya at makatagpo ng bagong pag-ibig…pero ako, hindi ko na hihilingin pa na mangyari iyon, dahil sapat na sa akin ang tatlumpung taon na pinagsamahan namin ni Celeste para masabi kong ang mga panahong nalalabi pa sa akin ay mapupuno na lang ng magaganda niyang alaala…”

Hinangaan ni Jefferson ang wagas na pag-ibig sa isa’t isa ng mga magulang ni Cassandra. Sana ay maging katulad din sila ng mga ito.

School.

Tahimik ang mga estudyante ni Cassandra nang pumasok siya sa classroom.

Matapos nilang magdasal ay inumpisahan na niyang mag-check ng attendance.

“Atienza Halenarish.”

“Present po ma’am!” sabay tayo ng bata at abot sa kanya ng isang puting rosas.

Nagulat at nagtaka si Cassandra.

“Thank you, pero para saan ‘to?”

“Ituloy n’yo lang po ang pag-roll call n’yo ma’am,” nakangiting sabi ng estudyante.

“O-okay…Cornista Donela….”

Lumapit din ang tinawag at nag-abot din ng white rose. Napakunot ang noo ni Cassandra.

“Salcedo Iohan Benedict.”

Ganoon din ang ginawa ng sumunod at ng mga sumunod pa. Hanggang sa matapos ang roll call at mapuno ng white roses ang table ni Cassandra.

“Okay, thank you class, it’s time to reveal your secret, kanino ga­ling ang mga ito?” nakangiting tanong ni Cassandra kahit may idea na siya kung sino ang nasa likod ng pakulo.

“Ma’am, hihintayin daw po niya kayo mamayang uwian,” nakangi­ting sabi ng isa sa mga estudyante.

Napatangu-tango na lang si Cassandra at sini­mulan na ang klase.

Uwian.

“Sabi ko na nga ba…” si Cassandra nang makita si Jefferson na naghihintay sa waiting area kasama si Michelle.

“Nagustuhan mo ba?” tanong ni Jeff.

“Oo naman, salamat sa effort mo, sigurado akong naubos na ang tanim ng kapitbahay n’yo.”

“Hindi ah, binili ko ang mga ‘yon sa Dangw­a!”

“Naks naman may pa-Dangwa-Dangwa ka pa ngayon.”

“Rumesponde kasi kami sa malapit do’n kanina, kaya nagka-idea ako.”

“Okay thank you again, nagustuhan ko naman ang idea mo, pero Jeff ‘wag mo na akong ihatid sa amin, kasi pagod na rin si M­ichelle, iuwi mo na siya para makapagpahinga na kayo.”

“Teacher hindi pa n­aman po ako pagod eh, sige na po, pumayag ka na ihahatid ka namin ni papa!” pangungulit ng bata.

Related Posts

Dahil kay Michelle ay muling napapayag ng mag-ama si Cassandra.

Bakasyon sa klase. Patuloy pa ring sinusuyo ni Jefferson si Cassandra. Habang tumatagal ay lalo namang napapalapit ang loob ni Cassandra kay Michelle. At habang tumatagal ay hindi niya namamalayan na napapalapit na rin nang husto ang puso niya sa ama nitong si Jefferson.

“Cassandra…sa tingin ko handa ka na…handa ka nang magmahal ulit…” kausap ni Cassandra sa sarili habang nasa harap ng half body mirror sa kuwarto niya.

“Siguro naman sapat na ang panahon na pinaghintay mo…ang panahon na inilaan mo para sa kanya…ngayong may pagkakataon ka nang magmahal ulit, dapat mo na siyang kalimutan…” sa isip pa ng dalaga na ang tinutukoy ay ang ex boyfriend na si Martin.

Pinaghandaan niya ang araw na sasagutin niya si Jefferson. Parang nakikisama sa kanya ang pagkakataon dahil gagabihin daw sa duty niya si Jeff, kaya naman makakapag-prepare pa siya sa bahay nito kasama si Michelle at pati si Aling Mameng. Katulong niya ito sa pagluluto ng paboritong ulam ni Jefferson. Adobong manok at sinigang sa miso na pink salmon.

“Alam mo, Cassandra, hindi na iba sa akin ang mag-ama, pakiramdam ko tunay ko silang kadugo kaya naman panatag din ang loob ni Jefferson na iwan sa akin si Michelle kapag hindi niya ito pwedeng isama sa mga lakad niya o kaya kapag nasa trabaho pa siya,” ani Aling Mameng habang naghihiwa ng sibuyas.

“Madalas nga po ka­yong maikuwento sa akin ni Jefferson. Parang ina na raw ang turing niya sa inyo,” pagtingin ng dalaga sa matanda ay nakita niyang nangingilid ang luha nito.

“Teka po, naiiyak po ba kayo sa sinabi ko?”

“Hindi naman mas­yado…mas nakakaiyak itong sibuyas!” sabay pahid ni Aling Mameng ng luha sa mata.

“Pero alam mo, Cassandra, masaya talaga ako dahil dumating ka sa buhay nila…mabubuo na ulit ang pamilya nila at sana meron kayong forever!” napangiti ang dalaga.

“Kayo talaga, Aling Mameng, pero sana nga po magdilang anghel kayo.”

Matapos magluto ay inayos na ni Cassandra ang pagkain sa mesa. Nilagyan din niya nang white rose sa center na magpapa-romantic sa dinner na inihanda niya para rito.

“Ano Michelle, maganda ba?” tanong ng dalaga sa batang kanina pa nagmamasid sa kanya.

“Opo naman, teacher, sigurado po akong matutuwa si papa at lalo po siyang mai-inlove sa’yo!”

“Asus, ikaw talaga bolera ka din eh, mana ka sa papa mo!” sabay pisil ni Cassandra sa ilong ng bata na nakangiti.

“Teacher Cass, pwede po bang mama na lang ang itawag ko sa’yo, tutal naman po sasagutin mo na si papa?”

Saglit na natigilan si Cassandra. At…

“Alam mo…gusto ko ‘yang idea mo.”

Nang marinig iyon ay hindi napigilan ng bata ang sarili na yakapin ang guro.

“Yehey may mama na ulit ako!”

“At meron na akong instant anak!”

Bumitaw sa pagkakayakap si Michelle.

“Mama excited na po ako sa pasukan, kasi grade three na po ako, at magiging teacher ko na po kayong totoo, may teacher na akong mama ko!”

“Excited na rin ako, pero galingan mo ha, kasi kapag hindi ka magaling hindi kita ipapasa!” biro ni Cassandra.

Mabilis ang pag-ikot ng oras. Lumamig na ang pagkain at nakatulog na rin si Michelle. Si Aling Mameng naman ay umuwi na rin. Ilang beses nang sinubukang kontakin ni Cassandra si Jefferson pero nakapatay ang cellphone nito.

Tumayo siya at tumanaw sa kalye.

“Asan ka na ba Jeff…”

Kung hatinggabi na darating ang lalaki ay balak ni Cassandra na samahan na lang sa pagtulog ang bata at bukas ng umaga na lang siya uuwi. Ito rin ang sinabi niya sa papa niya na tinawagan niya sa cellphone. (Itutuloy)