Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-18 na labas

“Alam mo anak, kahit maaga akong mawawala sa inyo ng papa mo, panatag na’ko…kasi alam kong napalaki ka naming mabuting tao…”

“Ma, ‘wag ka naman nagsasalita ng ganyan, gagaling ka pa…”

Abante Hiring – IT dep

“Oo nga naman Celeste, think positive. Tingnan mo ako, kahit nag-offer ng prosthetic feet ‘yung kaibigan nating doctor, hindi ko tinanggap, kasi naniniwala akong makakalakad pa ulit ang original kong mga paa. Kaya ikaw, dapat maniwala ka rin na gagaling ka pa!”

“Oo nga, kaya lang gusto ko lang na maging handa tayo sa posibilidad…pero mabalik tayo sa’yo Cassandra…iyong manliligaw mong si Jefferson may pag-asa ba siya sa’yo?”

Nabigla si Cassandra sa tanong ng ina.

“Gwapo naman po siya…mabait…maaasahan…”

“Wala man lang bang kahit konting spark sa puso mo kapag nakikita mo siya?”

Saglit na nag-isip si Cassandra bago sumagot.

“Meron naman po…”

“Kung gano’n, ano pang hinihintay mo?”

“Ma, true love waits…hindi pa lang po siguro ako handang makipagrelasyon ulit…”

“Hindi handa o may hinihintay kang bumalik? Sige anak, hindi ko na ipipilit sa’yo si Jefferson, sana lang maging fair ka sa puso mo, hayaan mo itong magmahal muli, huwag mong pigilan kung meron namang nararamdaman…at tandaan mo, patience is a virtue, but on the other hand time is gold,” paalala pa ng ina.

“Ma, parang nabasa ko na ‘yan ah?”

“Oo, ‘yan ‘yung finorward ko sa ‘yong text galing naman sa tita mo.”

Nakangiting sabi ni Celeste.

“Thank you sa reminder, ma, don’t worry, magmamahal ako ulit, sa tamang tao tulad ni Jeff…na katulad rin ni papa, tapat at wagas ang pag-ibig sa ‘yo,” sinabi iyon ng dalaga para sa kapanatagan ng ina.

Nag-good night na si Cassandra sa mga magulang para makapagpahinga na rin ang mga ito. Bumalik na siya sa sariling silid.

Kinabukasan.

Tinanghali ng gising si Cassandra. Pero nagtaka siya dahil sarado pa ang pinto ng kuwarto ng mga magulang. Mula kasi nang ma-wheelchair ang mga ito ay nakikita na niya ang mga ito sa munting hardin nila tuwing umaga at nagpapaaraw.

Kumatok muna siya bago pumasok sa hindi naman naka-lock na pintuan. Kinabahan siya nang makita niyang nakahiga pa ang mga ito. Nasa bisig ng papa niya ang mama niya. Mulat na si Mang Gener, samantalang si Celeste ay nakapikit pa.

Related Posts

“Pa…”

“Ssshhh! ‘wag kang maingay, natutulog pa ang mama mo…” ani Mang Gener na nangingilid ang luha.

“Mahimbing pa ba ang tulog niya?…”

“Oo…nakatulog siyang payapa at mahim­bing…mahimbing na mahimbing…” pinahid ng lalaki ang namuong luha sa mga mata.

Lumapit si Cassandra at yumakap sa ina. Dinama ang pulso nito. Doon niya natiyak na hindi na magigising pa sa kahimbingan ang mama niya. Mabilis na pumatak ang luha niya.

“Ma…mama…”

Tahimik na nagdalamhati ang mag-ama.

Ilang oras na mula nang mailibing ang mama ni Cassandra ay nanatili pa rin sila ng papa niya sa harap ng puntod nito. Nag-alisan na ang mga tao na nakiramay maliban kay Jefferson na naghihintay sa kanya sa ‘di kalayuan.

Napatingala sa langit si Cassandra nang mapansin niya ang dumidilim na paligid.

“Pa, mukhang uulan na po…dalawin na lang po natin si mama sa ibang araw…”

Tumingala rin si Mang Gener.

“Siguro gusto na rin ng mama mo na magpa­hinga muna tayo kaya kinakasihan siya ng panahon.”

Bumaling si Mang Gener sa puntod.

“O pa’no mahal, maiwan ka na muna namin diyan, syempre babalikan ka namin ng madalas…”

Pagkasabi niyon ay pinaikot na ni Mang Gener ang wheelchair niya. Marahan naman siyang itinulak ni Cassandra palayo sa puntod. Nagulat pa ang dalaga nang makita si Jefferson.

“Akala ko umuwi ka na?”

“Gusto kitang hintayin.”

Si Jefferson na ang nagkusa na itulak ang wheelchair ni Mang Gener.

“Jeff, salamat…ngayon alam ko na ang naram­daman mo nang mawala sa’yo ang asawa mo…napakasakit pala talaga…” ani Mang Gener.

Nagkatinginan sina Jefferson at Cassandra.

“O-opo tito…” (Itutuloy)