Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-16 na labas

Naupo si Jefferson sa tabi ng dalaga.

“Oo nga no, parang wala silang problema?”

“Tama ka…sa kabila ng mga nangyari, hawak pa rin nila ang kamay ng isa’t isa…nagkukuwentuhan at nagtatawanan na parang walang pinagdadaanan…”

“Nakaka-inspired…sana ganyan din tayo…”

Natigilan si Cassandra at napatingin sa mukha ng lalaking ang mga tingin naman ay nasa magulang niya.

“Ang ibig kong sabihin, sana maging ganyan din tayo sa kung sinuman ang magiging partner natin habambuhay…pero siyempre kung ako ang tatanungin mo, ikaw na ‘yung gusto kong makasama habambuhay…” sabay tingin ulit ni Jeff sa mukha ng dalaga.

Humugot nang malalim na buntong hininga si Cassandra bago nagsalita.

“Teka nga pala, ano bang ginagawa mo rito?” nakangiting tanong niya.

“Dinadalaw ka.”

“Si Michelle, bakit hindi mo isinama?”

“E kasi birthday ni Luisa, natatandaan mo ba ‘yung anak ni Aling Mameng?”

“Oo.”

“Magluluto ng handa si Aling Mameng mamaya kaya pinaiwanan na lang niya si Michelle.”

“Gano’n ba…”

“Cass gusto mo bang ipagluto natin sila?”

“Alam mo good idea ‘yang naisip mo, tara, tamang-tama malapit na ang merienda time!”

Nagpunta nga sa kitchen ang dalawa. Naghanap sa ref ng puwede nilang lutuin. Nakakita sila ng mga sangkap na para sa pansit bihon.

Related Posts

“Alam mo mas gusto ko ang spaghetti pero dahil ito ang meron dito at ito ang favorite ni mama sige, go tayo!” si Cassandra habang inilalabas sa ref ang mga rekados.

“Okay, go go go!”

Nag-unahan sina Jeff at Cass sa pagkuha ng knife na gagamiting panghiwa ng mga rekados kaya hindi sinasadyang nahawakan ni Jefferson ang kamay ng dalaga. Saglit silang nagkatinginan. Binawi agad ni Cassandra ang kamay niya.

“S-sorry, sige ikaw na,” sabay abot ng knife kay Cassandra.

“Hindi, ikaw na, carry mo na ‘yan!” nakangiti­ namang tugon ng dalaga kaya nawala ang p­angamba ni Jeff.

Nagulat ang mag-asawa na nasa terrace pa rin nang hainan sila nina Jeff at Cass ng merienda. Pansit, tasty at juice.

“Aba ano ‘to ha? mukhang nagkakamabutihan na talaga kayo ha!” biro ni Celeste na ang ulo ay nababalutan ng magandang tela dahil sa pagkalagas ng buhok nito.

“Opo, kaya lang medyo binibitin pa po ako ng anak nyo tita eh!” sakay naman ni Jeff sa biro nito. Tinawanan lang ni Cassandra ang biruan ng dalawa.

Matapos magmerienda ay kinausap ni Celeste si Jeff habang magkausap naman ang mag-amang Cass at Gener.

“Jeff, alam mo, ayoko sanang iwan si Cassandra na hindi ko pa man lang nalalaman kung sino ang makakasama niya habambuhay…ang mapapa­ngasawa niya at mga magiging anak niya…pero eto, kita mo naman kahit pilit akong lumalaban, alam naman natin na nauubusan na ako ng pagkakataon…”

“T-tita Celeste, ‘wag n’yo muna pong isipin na mawawalan na kayo ng pagkakataon, ang importante po sa ngayon ay kasama n’yo po ang pamilya n’yo, nagmamahal, nananalangin at ginagawa ang lahat para sa ikagagaling n’yo…”

“Alam ko, hindi ko lang talaga maiwasang isipin…pero nagpapasalamat ako, kasi nandito ka palagi para alalayan siya sa mga pinagdadaanan namin…”

“Opo at handa po akong magmahal at maghintay para sa kanya…” isang assurance iyon na sinabi ni Jefferson hindi lang para sa ikapapanatag ng loob ng ina ng babaeng iniibig niya kundi isang katotohanan na nagmula sa puso niya.

Hinawakan ni Celeste ang kamay ni Jefferson.

“Kung gano’n, aasa ako na hahawakan mo ang kamay ng anak ko, at hindi mo siya bibitawan kahit na anong mangyari…”

“Pinapangako ko po, Tita Celeste…”

Naging madamdamin rin ang pag-uusap ng mag-ama.

“Pa, hindi ko lubos maisip kung bakit kaila­ngang ilihim sa atin ni mama ang sakit niya…sana nagawan agad natin ng paraan…”
“Hindi ko masisi ang mama mo, ayaw niya tayong masaktan…”

“Pero masakit pa rin, pa, at mas masakit dahil hindi man lang natin siya nadamayan ng mas maaga.”(Itutuloy)