Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-15 na labas

“Pwes ganoon din ako…mahal ko si Michelle, mahal ko ang trabaho ko at …mahal rin kita…”

Napangiti ang dalaga. Kahit papaano ay nakaluwag sa dibdib niya ang sinabing iyon ni Jefferson.
Gabi.

“Michelle matulog ka na,” si Jefferson na tinatapik pa ang anak.

“Hindi po ako makatulog papa…”

“Bakit naman?”

“Naiisip ko po si Teacher Cass, sabi po kasi ni Teacher Eloisa hindi muna raw papasok si Teacher Cass…”

“Oo anak, kasi may mga kailangan siyang gawin para sa pamilya niya.”

“Papa pwede ko po bang madalaw si Nanay Celeste sa ospital? Maski isang beses lang po!”

“Ha? E…”

“Sige na papa, please po? Igagawa ko siya ng graham balls!”

Nagulat si Cassandra nang makita si Michelle sa ospital. Naka-face mask naman ito.

“Teacher!” yumakap ang bata sa kanya.

“Aba, may bago akong bisita…” si Celeste sa mahinang boses.

Nilapitan ng bata ang matanda at nagmano rito.

“May pasalubong po ako sa inyo!”

“Ano naman?”

“Dyaraann!” inilabas ni Michelle ang itinatagong graham balls. Napangiti naman si Celeste.

Nilapitan ni Jefferson si Cassandra sa upuan.

“Ako rin may pasalubong sa’yo.”

“Ha? Ano ‘yon?”

“Eto o,” isang basket ng prutas na itinago kanina ng lalaki sa likod ng pintuan ang iniabot niya sa dalaga.

Related Posts

“Jeff, hindi mo naman kailangan mag-abala ng ganito!”

“Magpasalamat ka na lang.”

“Okay thank you, but still, you don’t have to do this.”

“Alam ko, kung ayaw mong mag-effort ako ng ganito, ‘wag mong pabayaan ang sarili mo, kumain ka, kasi kailangan mo rin ng lakas para sa mama mo.”

“Ikaw talaga, o sige na nga po kakain na’ko.”

“Gusto mo bang ibili kita ng pagkain sa labas?”

“Buti pa samahan mo na lang ako.”

Nagpaalam sila sa ina at hinayaan muna nila si Michelle na magbantay rito habang kinukuwentuhan nito ang matanda. Saglit lang naman silang mawawala para bumili ng pagkain sa canteen.

Naglalakad na sila sa pasilyo ng ospital patungo sa canteen nang mapadaan sila sa emergency room. Biglang kinabahan si Cassandra nang makita ang pasyenteng pinagkakaguluhan ng mga doctor at nurse habang papasok sa emergency room.

“Cass, bakit?” nag-aalalang tanong ni Jeff.

“Sandali…” nakilala ni Cassandra ang damit ng ama na suot nito kaninang umalis ng ospital.

“P-papa?”

Patakbong nilapitan ni Cassandra ang pasyenteng nasa stretcher at ipapasok na sa emergency room.

“PAPA!”

Hinarang siya ng isa sa mga nurse na nag-a-assist bago pa man siya tuluyang makalapit.

“Miss, ikaw ba ang anak? Naaksidente ang lalaking ‘to, kami na muna ang bahala sa kanya, doon ka na muna sa receiving area para sa information ng pasyente. Nandoon din ang kasama niya na nasugatan lang, siya na lang ang tanungin mo sa nangyari.”

Ang kumpare ng papa niya na si Mang Jose ang nagsabi ng lahat kay Cassandra. Sinamahan daw nito ang papa niya na pumunta sa kakilala nitong nagpapahiram ng malaking pera, kailangan daw kasi para sa mama niya. Pauwi na raw ang mga ito nang mabangga ang kotse sa isang taxi. Naipit daw ang paa ng papa niya kaya mas grabe ang tinamo nito.

Nanlulumong napaiyak si Cassandra. Nilapitan siya ni Jefferson at niyakap siya nito.

“Malalampasan n’yo rin ‘to,” bulong ni Jeff sa dalaga. Hinayaan niya itong umiyak sa balikat niya.

Nag-request ang mama ni Cassandra na iuwi na siya bahay nila. Gayudin ang papa niya na nalumpo dahil sa aksidente. Gusto ni Celeste na igugol na lang ang nalalabi niyang panahon sa bahay na ipinundar nila at puno ng masasayang alaala kasama ang pamilya.

Habang nag-uusap ang mga magulang sa terrace na parehong naka-wheelchair ay nakamasid lang si Cassandra sa mga ito.

“Cass?” si Jeff na hindi namalayan ni Cassandra ang pagdating.

“Ikaw pala, Jeff, natutuwa lang akong tingnan sila…” saglit lang nilingon ng dalaga ang lalaki at agad ding bumalik ang mga mata nito sa mga magulang. (Itutuloy)