Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-14 na labas

“O Michelle, Jeff, bakit nandito pa kayo?”

“E kasi…” si Jeff na tila naumid ang dila.

Palihim na kinalabit ni Michelle ang ama at pabulong na nagsabi. “Sabihin mo na, pa…”
“Kasi…”

“Kasi ano?” ulit ni Cassandra sa sinabi nito.

“Kasi gusto ka po naming ihatid ni papa, pwede po ba?” si Michelle na ang nagsabi sa hindi masabi ng ama.

Sasagot pa lang si Cassandra nang biglang tumunog ang cellphone niya kaya nag-excuse muna siya sa mag-ama at sinagot ang tawag.
“Hello?”

Hindi man naririnig ni Jeff ang sinasabi ng kausap ni Cassandra sa cellphone ay batid niyang hindi maganda ang balitang hatid nito dahil napakunot noo at tila nangilid ang luha ng dalaga. Nang ibaba ni Cassandra ang cellphone ay naglakas-loob na siyang tanungin ito.
“Cassandra, may problema ba?”

“Si mama kasi, isinugod daw sa ospital sabi ni papa…”

“Ha? E tara puntahan na natin!”

“Natin?”

“Oo, sasamahan kita, saang ospital ba dinala?”

Sa kabila nang naramdamang kalungkutan ay nakakita ng karamay si Cassandra sa katauhan ni Jeff, at ikinatutuwa niya iyon.

Sa ospital ng Tondo Manila pinuntahan nina Cassandra at Jeff ang ina ng una. Idinaan muna kasi nila si Michelle sa bahay nila Jeff at inihabilin sa pinagkakatiwalaang kapitbahay na hindi na rin iba ang turing sa mag-ama. Si Aling Mameng. Ayaw kasi ni Cassandra na isama ang bata at baka makasagap pa ng sakit sa ospital.

Dinatnan nila Cassandra ang ina na naka-dextrose at natutulog. Sinalubong sila ng papa niya. Dumistansya si Jefferson sa mag-ama para makapag-usap ang mga ito.

“Pa, anong nangyari kay mama?”

“E, etong mama mo, masyadong masikreto, may nararamdaman na pala inililihim pa…”

“Ano po ang sabi ng doctor?”

Malungkot na tumingin si Gener sa anak bago sinagot ang tanong nito.

“B-breast…breast cancer daw…stage 3…”

“Stage three?” gulat na gulat si Cassandra.

Related Posts

“Pero pa, paano nagawang ilihim ni mama ang sakit niya nang gano’n katagal? Paanong nangya­ring hindi man lang natin napansin na meron na siyang dinadalang gano’ng kabigat na problema?” umiiyak na sabi ng dalaga.

“Hindi ko rin alam anak…kami ang palaging magkasama, sa pagkain, sa pamamasyal at sa pagtulog, pero kahit konting sign hindi man lang niya ipinaramdam sa akin na meron siyang iniinda…”

Nilapitan ni Cassandra ang natutulog na ina at yumakap dito.

“Ang daya-daya mo, ma, kung nagtapat ka sa amin tungkol dito noon pa, sana napagtulungan natin ito…pero ‘wag kang mag-alala, ma, gaga­ling ka…gagaling ka…gagawin namin ni papa ang lahat para gumaling ka…”

Maya-maya ay nilapitan ni Cassandra ang ama na tahimik lang na nakaupo sa upuan sa loob ng silid na iyon.

“Pa, umuwi ka na muna at magpahinga, ako na muna ang magbabantay kay mama…”

“Pero anak ayokong iwanan ang mama mo.”

“Naiintindihan ko, pa, pero kailangan mo rin ng lakas para kay mama, magpalitan tayong dalawa.”

Napapayag din ni Cassandra ang ama. Si Jeff naman ang nilapitan niya.

“Sumabay ka na kay papa pauwi, Jeff, kaya ko na rito mag-isa.”

“Sasamahan kita, Cass, baka kailanganin mo ng tulong ko.”

“Pero mas kailangan ka ng anak mo.”

Nakumbinsi rin ni Cassandra ang lalaki kaya nagpaalam na rin ito at sumabay na kay Mang Gener.

Nang sumunod na mga araw ay palagi nang nakaalalay si Jefferson kay Cassandra. Sinasamahan niya ito sa ospital at maging sa bahay kapag sa ospital matutulog si Mang Gener. Pero umuuwi rin siya kapag gabi na, para naman samahan ang anak.

Ipinagluto ni Jefferson ng hapunan si Cassandra at sinaluhan niya ito sa pagkain.

“Cass, kumain ka naman, namamayat ka na oh.”

“Jeff, hindi ka ba napapagod?”

“Napapagod saan?”

“Du-duty ka sa trabaho, aasikasuhin mo ang anak mo, tapos pupuntahan mo ako… ‘di ba nakakapagod ‘yon?”

“Ikaw ba napapagod ka kapag inaasikaso mo ang mga mahal mo sa buhay? O kaya kapag nasa school ka at nagtuturo para sa mga mahal mo at sa mga estudyanteng napamahal na rin sa’yo?”

Umiling si Cassandra. (Itutuloy)