Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-13 na labas

Nang makaalis ang mga bisita ay nilapitan ni Celeste ang anak.

“Cassandra, baka siya na ‘yung prince charming na hinihintay mo!” biro nito.

“Ma! Pang-teenager lang ‘yung mga prince charming!”

“E ‘di sige, kung hindi prince charming, leading man!”

“Ano ‘to teleserye, pelikula?”

“Hero?”

“Hay naku, ma, hindi ko pa alam kung anong magiging status niya sa puso ko, pero binigyan ko naman siya ng chance na ligawan ako, gusto ko lang din kasi bigyan ng pagkakataon ang puso ko na tumingin sa iba, baka sakaling makalimutan ko na si Martin.”

“Iyon naman pala anak eh, bakit hindi mo pa siya sagutin para naman tuluyan mo nang makalimutan ang Martin na ‘yon!”

“Ikaw talaga, ma, mag-uumpisa pa nga lang manligaw ‘yung tao sagutin agad? Bata pa naman po ako kaya ‘wag tayong magmadali dahil ayoko nang magkamali ulit at saka gusto ko munang kila­laning mabuti si Jefferson, gusto ko kapag sinagot ko siya ay ‘yung siya na talaga ang nasa sentro ng puso ko, ‘yung hindi na ako masasaktan at ayoko rin naman na masaktan siya kung hindi naman love ang mararamdaman ko para sa kanya…”

“O sige na nga anak, panalo ka na naman sa discussion natin…”

Niyakap ni Cassandra mula sa likuran ang ina na tila naglalambing, pero bigla itong lumayo nang bahagya sa kanya.

“O, ma sa’n ka pupunta, galit ka ba?”

Hindi galit si Celeste sa anak. Kaya ito dumistansya ay dahil naramdaman na naman nito ang pagsakit ng suso. Napansin iyon ni Cassandra.

“M-ma, may sumasakit ba sa’yo?”

Pinilit ni Celeste na iayos ang sarili. Muli itong humarap sa anak.

“Hindi, wala…parang gusto ko lang magbanyo!”

“Sigurado ka ba, ma?”

“Oo, sige maiwan na muna kita ha, usap ulit tayo mamaya tungkol diyan sa lovelife mo!” naka­ngiti pang sabi ni Celeste nang pagtalikod sa anak ay muli itong napangiwi sa sakit na nararamdaman.

“Wow! Ang sweet naman!” si Eloisa na kilig na kilig sa puting rosas na hawak na naman ni Cassandra sa canteen.

“As usual, galing kay Jeff, sabi ko nga baka naman inubos na niya ang rosas doon sa bakuran ng kapitbahay niya.”
“Gano’n? Galing talaga sa neighbor’s garden?”

Napansin ni Eloisa na iba ang aura ni Cassandra.

Related Posts

“Teka nga muna, may problema ba?”

“H-ha? Wala naman…”

“Para kasing malungkot ka, sino ba ang iniisip mo, si Martin na naman ba? Utang na loob teh, hindi na siya uso, laos na siya kaya forget everything about him na! Si Jeff na ang in ngayon!”

“Hindi naman si Martin ang iniisip ko eh…”

“Kung hindi si Martin malamang si Jeff na ‘yan, pero bakit sad ang face?”

“Iniisip ko si mama…para kasing may itinatago siya sa’kin…”

“Ha? Bakit mo naman nasabi ‘yan?”

“Hindi ko alam…pakiramdam ko lang…”

“Okay, para mawala ang doubt kausapin mo nang masinsinan.”

Sinundo ni Jefferson si Michelle sa school. Nakangiting lumapit sa kanya ang anak.

“Tara na pa!”

“Teka lang ‘nak, s-si Teacher Cass, nakita mo ba siya?”
“Opo, nasa library siya.”

“Tingin mo ba matatagalan pa siya ro’n?”

“Hindi naman po siguro siya aabutin ng gabi ro’n, pa, kasi mapagsasaraduhan siya dito sa school!” nakangiting biro ni Michelle sa ama.

“Hehe nakakatawa, kilitiin mo nga ako!” ganting biro rin ni Jeff sa anak.

“Pa, kung gusto mo siyang hintayin okay lang po, maupo muna tayo rito sa waiting area.”
“Okay lang ba sa’yo anak?”

“Opo naman, nu’ng dati wala ka pa, hinintay ka nga rin namin dito ni Teacher Cass eh!”

“Kunsabagay, okay sige, tapos okay lang ba sa’yo na ihatid natin siya sa kanila.”

“Sige po, gusto ko rin makita si Nanay Celeste! Baka ayain niya ulit ako gumawa ng graham balls!” tuwang-tuwang sabi ng bata.

“Nanay Celeste?”

“Opo, sabi po kasi ng mama ni Teacher Cass tawagin ko na lang daw po siyang Nanay Celeste!”

Maya-maya pa ay natanaw na nilang papalapit si Cassandra. (Itutuloy)