Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-12 na labas

Napangiti si Jefferson.

“Wala kang nakita? Walang bumulong sa’yo?”

“W-wala po…pero alam ko naman po papayag talaga si mama, kasi gusto niya tayong ma­ging masaya, kasi masaya na rin po siya sa langit ‘di ba?”

Hinimas ni Jefferson ang anak sa ulo nito.

“Oo naman anak, tara na nga, magpaalam ka na sa mama mo!”

“Bye mama, pagbalik po namin dito, isasama po namin si Teacher Cassandra para makilala mo siya!” pahabol pa ng bata sa himlayan ng ina.

“Ikaw talaga!” naii­ling namang inakay na ni Jefferson ang anak palayo.

Magkasabay na kumakain sa school canteen sina Cassandra at Eloisa.

“Uy Cass, ano na, kumusta naman ‘yung bet ko?”

“Bet mo?”

“Si Jeff, hindi pa ba siya nanliligaw sa’yo?”

“Ikaw talaga, hindi no.”

“What? So ibig sabihin wala lang ‘yung sweet dance n’yo? ‘Yung pabigay-bigay niya ng sandwich?…‘Yung…” natigilan sa pagsasalita si Eloisa nang lapitan sila ni Michelle at iabot kay Cassandra ang isang white rose. Nagkatinginan sila ng kaibigan.

“Pinabibigay po ng papa ko.”

“P-pero para saan?”

“Para po sa inyo…”

“Ha? O-okay sige, pakisabi salamat.”

“Pasensya na po kayo kasi naipit sa bag ko kaya nalagas po ang ibang petals…”

“It’s okay, maganda pa rin naman!” nakangi­ting sabi ni Cassandra.

“Michelle, si Teacher Eloisa ba walang rose?” biro at lambing ni Eloisa na hinawakan pa sa balikat ang bata.

Ngiti lang ang itinugon ng bata. Pag-alis nito ay hindi na napigilan ni Eloisa ang mapatili.

“OMG, I think malapit ko nang makuha ang free concert ticket ko!”

Hindi umimik si Cassandra. Hindi niya alam kung ikatutuwa niya ang pagpaparamdam na iyon ni Jeff o hindi.

Uwian. Habang pala­bas mula sa bagong l­ibrary, namataan ni Cassandra si Jefferson sa waiting area habang naghihintay ito sa anak. Wala pa namang tao sa waiting area dahil maaga pa kaya naisipan ni Cassandra na lapitan ito.

“Jeff!”

Halatang nabigla ang lalaki sa pagtawag niya at tila nahiya.

“Cassandra!”

“Ang aga mo yata ngayon?”

“Hindi kasi ako duty eh…”

“Kaya ako lumapit kasi meron lang akong gustong itanong sa’yo…hindi naman sa hindi ako naniniwala kay Michelle, gusto ko lang makasi­guro…nu’ng una kasi na inabutan mo ako ng rose, ang sabi mo pinabibigay ni Michelle bilang pasasalamat, ngayong si Michelle naman ang nag-abot sa akin, ikaw naman ang nagpapabigay, ano namang dahilan?”

Saglit na natigilan si Jefferson. Hindi niya akalaing makokorner agad siya ni Cassandra.

Related Posts

“Ah…kasi…alam ko hindi ito ang tamang lugar, hindi ko rin alam kung tamang pagkaka­taon ito para sabihin sa’yo na…”

“Na ano?”

“Na…gusto kitang ligawan, k-kung pwede lang naman…”

***

Si Cassandra naman ang natigilan. Pero nga­yong klaro na ang lahat sa kanya kailangang maging malinaw rin kay Jefferson ang lahat.

Ngumiti siya. “Ahm… siguro nga, hindi ito ang tamang lugar para pag-usapan ang ganyang bagay, ganito na lang, mag-usap na lang tayo sa ibang araw saka kung gusto mo puntahan mo na lang ako sa amin.”

“O-okay sige!”

Habang lumalakad palayo sa lalaki ay nalito si Cassandra sa nararamdaman. Natutuwa ba siya, kinakabahan, natatakot o ano? Hindi pa niya iyon matiyak sa sarili. Pero hindi siya nagsisi sa prangka niyang pagtatanong dito. At least naging malinaw na sa kanya ang damdamin nito.

Hindi inaasahan ni Cassandra na nang gabi ring iyon ay magiging bisita niya si Jefferson, at siyempre pa kasama nito si Michelle.

“Michelle, gusto mo ba akong tulungang gumawa ng graham balls?” tanong ni Celeste sa bata para makapag-usap sina Cassandra at Jefferson.

“Sige po!” nakangi­ting inakay ni Celeste ang bata papunta sa kusina.

Naiwan namang magkaharap sa sofa sina Cassandra at Jeff.

“Pasensya ka na, excited kasi akong malaman kung…alam mo na, kung mabibigyan mo ba ako ng chance na ligawan ka…”

“Sa totoo lang, Jeff, hindi ko rin alam kung papayag ba ‘ko o hindi, kasi ayokong maging unfair sa ‘yo…”

“Unfair? Pero bakit naman, may boyfriend ka na ba o may nagmamay-ari na ba ng puso mo?”

“Boyfriend wala…pero laman ng puso, meron…”

Hindi nakaimik si Jefferson. Nakaramdam agad ng lungkot.

“Si Martin…‘yung ex bestfriend na ex boyfriend ko na ngayon…4 years ago na mula nang mag-break kami…but still…nandito pa rin siya…” sabay turo ni Cassandra sa puso niya.

“Pero nasaan na siya?”

“Hindi ko alam…ang huling balita ko nasa America na siya…”

Kahit papaano ay nabuhayan ng loob si Jefferson dahil malayo na naman pala ang tinutukoy ni Cassandra.

“Cass, handa naman akong maghintay e, kung kailan siya mawawala sa puso mo, kung kailan mo ulit bubuksan ang puso mo para sa iba…bigyan mo lang sana ako ng pagkakataon…”

“Ikaw ang bahala, sa ngayon kasi, pakiramdam ko hangga’t nandito pa siya sa puso ko, nandito pa ‘yung sakit…hindi ko pa talaga magagawang magmahal ng iba…”

“Kaya nga kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, baka matulu­ngan kita na paghilumin ang sugat mo hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa puso mo.”

Napangiti si Cassandra. “Sigurado ka ba, desidido ka ba talaga na ligawan ako?”

“Oo naman, seryoso ako.”

“Hindi ko na tatanu­ngin kung anong nakita mo sa akin, isa na lang ang itatanong ko, kinausap mo na ba ang anak mo tungkol dito, kasi sa pagkakaalam ko mahal na mahal niya ang mama niya, baka hindi maging okay sa kanya kung…”

Pinutol ni Jeff ang sasabihin pa sana ng dalaga.

“Gusto ka ni Michelle, walang duda ‘yon.”

Pareho silang napa­tingin kay Michelle na busy sa pagtulong kay Celeste sa ginagawang graham balls.

“O sige, Jeff, bibigyan kita ng pagkakataon, pero wala akong maipapa­ngako sa’yo…ayokong paasahin ka…”

“Ano ka ba, wala ka naman talagang dapat ipangako, ako ang dapat mangako sa’yo, na hindi ako susuko. Ipinapangak­o kong makakalimutan mo siya at ako ang papalit sa kanya sa puso mo.”

Isang matamis na ngiti ang itinugon ni Cassandra sa sinabi ni Jeff. (Itutuloy)