Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-11 na labas

Hindi man iyon ang eksaktong tugtog, pero ang kirot na nararamdaman niya sa alaalang iyon ay eksaktong dumudurog sa kanyang puso.
“Cassandra, okay ka lang ba?”

“O-oo naman…okay lang ako…”

Inalis ni Jefferson ang isang kamay niya sa beywang ng dalaga at kinuha ang isang kamay nito sa balikat niya. Nagulat si Cassandra sa ginawa ng lalaki.

“Hindi kita tsina­tsansingan ha, hahawakan ko lang ang kamay mo, kasi sabi ng lolo ko, ang lola ko raw noon nerbiyosa, pero kapag daw hinahawakan ni lolo ang kamay ng lola ko, napapanatag daw ito, sinu­subukan ko lang, baka maging kompor­table ka kung hahawakan ko rin ang kamay mo.”

“T-talaga?”

Hindi naniniwala si Cassandra sa sinabi ng lalaki. Kasi nang hawakan nito ang kamay niya ay lalo siyang hindi naging komportable. Lumakas ang kabog ng dibdib niya at may nararamdaman siyang hindi niya maintindihan. Pumikit siya para iwaksi sa isip ang tila nais igiit ng puso.

Habang pinaglalabanan ni Cassandra ang sariling damdamin ay buong puso namang tinanggap ni Jefferson na hindi na niya mapipigilan ang nararamdaman. Sa pagtitig kasi niya sa nakapikit na dalaga ay isang bagay ang natiyak niya…handa na siyang umibig muli…

Nang mapag-isa na lang sa silid ay naisipan kunin ni Cassandra ang isang espesyal na box na naglalaman ng isang scrap book. Mga pictures nila iyon ni Martin mula high school hanggang college. Isa-isa niyang tiningnan ang mga ito. Ilang beses na siyang nagtangka na itapon o sunugin iyon pero sa huli ay pinipili pa rin niya na itago na lang.

Kasi hindi pa rin sumusuko ang puso niya. Umaasa pa rin na isang araw ay babalik si Martin para dugtungan ang kahapon nila. At sa pagkakataong iyon ay hindi na sila maghihiwalay ulit.

Sa gitna ng pag-alala niya kay Martin ay sumi­ngit naman sa isip niya si Jefferson. Hindi niya alam kung bakit palagi rin niya itong naiisip. Siguro dahil kay Michelle. Sa batang ‘yon na kinagaanan niya ng loob. Hangga’t nasa puso pa niya si Martin, hindi pa niya pwedeng buksan ang puso niya sa iba. Lalo na at hindi naman ito nanliligaw sa kanya. Baka nag-a-assume lang siya at sa huli ay maiiwan na naman siyang umaasa.

Related Posts

Ilang araw pa ang lumipas bago nakapagdesisyon si Jefferson. P­inuntahan nila ni Michelle ang asawa sa puntod nito. Inilapag niya ang bulaklak sa ibabaw ng nitso at nagtirik siya ng kandila. Matapos ang saglit na panalangin ay sinimulan na ni Jefferson ang confession sa asawa.

“Mahal, may gusto sana akong sabihin sa’yo e…nahihiya ako dahil baka sabihin mo kinakalimutan na kita…siyempre naman hindi na kita makakalimutan hanggang sa mawala na rin ako sa mundo, ikaw ang ina ng anak ko at alam mo naman kung gaano kita kamahal…pero mahal, ngayong wala ka na, at may dumating sa buhay ko, pwede ba ‘kong magmahal ulit? 28 pa lang naman ako mahal e, kaya alam mo naman siguro na dara­ting at darating ang araw na titibok ulit ang puso ko sa iba, napaaga nga lang kasi dumating agad siya sa buhay ko…”

“Papa, ang sabi ni mama payag na daw siya na ligawan mo si Teacher Cass.”

“Ha? Pa’no mo naman nalaman?”

“Ibinulong sa akin ni mama.” Nagbibiro lang si Michelle. Gusto lang niya na makumbinsi ang ama.

Luminga naman sa paligid si Jefferson na parang takot.

“Ikaw, Michelle ha, wala ka namang third eye, ‘di ba?”

“Ano po ,yung third eye?”

“‘Yung third eye, ‘yun ang nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng dalawang mata natin, mga kakat’wa at mahiwaga, tulad ng mga multo, kaluluwa, asuwang…”

Nakaramdam ng takot si Michelle.

“Papa, saan po nakalagay ang third eye ko? Umalis na kaya tayo dito, papa!” (Itutuloy)