Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-10 na labas

Biglang naghiyawan ang mga bisita. Paano’y nag-request pala ng sweet na tugtog ang papa Gener niya sa inarkila nilang sound system at isinayaw nito ang mama niya. Kaya naman pinagtuksuhan ng mga bisita ang mga ito.

“Ang sweet pala ng mama at papa mo.” Ani Jefferson.

“Oo, sa school sila nagkakilala, pareho silang teacher noon, pero ngayon retired na si mama, at si papa naman ginusto na lang na magbusiness ng buy and sell…” nakangiting kuwento ng dalaga.

“Puro pala kayo teacher.”

“Pati mga relatives namin, ikaw, ang mga parents mo?”

“Produkto ako ng broken family…bata pa lang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko, pareho na silang may ibang pamilya at sa totoo lang bihira na kaming magkita-kita kasi pareho silang nasa malayong lugar. Ang nanay ko nasa north, si tatay naman sa south.”

Nalungkot si Cassandra sa kuwento ni Jefferson.

“Pero okay lang ‘yon, meron naman akong anak na pinagtutuunan ko ng pansin ngayon eh.” Sabay tingin nito kay Michelle na nakikipaglaro sa ibang bata.

Nang matapos ang sweet na tugtugin ay nag-request ng isa pa si Mang Gener at inaya nito ang mga bisita na maki-join sa pagsasayaw nilang mag-asawa.

Related Posts

“Cassandra, bakit hindi mo pasayawin ‘yang bisita mo?” nakangiting sigaw ni Mang Gener sa anak.

“H-ha?” Nahihiyang napatingin si Cassandra kay Jefferson.

“Cass pwede ba?” inilahad ni Jefferson ang kamay niya bilang pag-aya nito sa dalaga.

“S-sige.”

Dahil request ni Mang Gener ang kanta kaya luma na, pero madamdamin ang awiting iyon na may pamagat na Until I fall in love again.

Inilagay ni Jefferson ang mga kamay niya sa balingkinitang beywang ni Cassandra habang si Cassandra naman ay marahang ipinatong ang mga kamay niya sa magkabilang balikat ni Jefferson.

“Pasensya ka na sa papa ko ha…”

“Ano ka ba, bakit ka humihingi ng pasensya, birthday naman niya ngayon kaya okay lang na pagbigyan natin siya, saka masarap din naman sumayaw ‘diba?”

“H-hindi kasi ako sanay…”

“Akong bahala sa’yo, basta pakinggan mo lang ang tugtog, hayaan mong sabayan nito ang pagpintig ng puso mo…at makikita mo kusang gagalaw ang mga paa mo at katawan mo kasabay ng kanta.”

Hindi masabi ni Cassandra na hindi naman pagsayaw ang inaalala niya. Sa bawat paghakbang kasi ng mga paa niya sa saliw ng malambing na tugtuging iyon ay ibinabalik nito sa alaala niya ang pagsayaw nila noon ni Martin sa JS prom, gayundin sa mga party na dinaluhan nila noong sila pa. (Itutuloy)