Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 625

Unang labas

“Okay class, i-ready niyo na ang mga assignments niyo, I’m going to check it.” Si Teacher Cassandra Villafuente. Dalawang taon na siyang nagtuturo sa mababang paaralan ng Dela Paz Elementary School. Grade three pupils ang tinuturuan niya. Nagmula siya sa kilalang pamilya ng mga guro sa Navotas. Ang ina niya ay isang retired teacher sa edad na 60, ang ama naman niya ay dati ring guro na nag-shift sa pagiging businessman. Nagba-buy and sell na ito ng mga sasakyan ngayon. Marami rin sa relatives nila ang mga naging guro at kasalukuyang guro sa iba’t ibang school sa Navotas at ang iba naman ay sa ibang bayan.

Napatingin siya sa estudyante niyang si Camille. Nakayuko ito kaya nilapitan niya.

“Camille, may problema ba?”

Umiling ang bata.

“Ahm…wala kang assignment?”

Tumango ang bata.

“Pero bakit?”

Marahang umangat ang ulo ng bata bago nagsalita.

“K-kasi po…wala po kaming kuryente…”

Nakaramdam ng awa si Cassandra sa bata, pero natawag ang pansin niya sa nakitang usok na nagmumula sa library room malapit sa classroom nila.

“T-teka anong usok ‘yon?”

Lumabas ng classroom si Cassandra at nanlaki ang mga mata niya nang makitang nasusunog ang library room. Agad siyang bumalik ng classroom, sukbit sa balikat ang sariling bag, pinapila niya ang mga estudyante niya.

“Class, pumila kayo ng maayos, walang magpa-panic, k-kailangan nating lumabas ngayon at pumunta sa ground…” natataranta pero pilit pinapakalma ni Cassandra ang sarili para hindi magkagulo ang mga estudyante niya sa paglabas.

Bago pa sila makalabas ng classroom ay nagkagulo na ang iba pang mga guro at mga estudyante mula sa iba’t ibang classroom. Kaya hindi na niya napigilan ang pagpa-panic ng mga estudyante niya.

“Wait, walang bibitaw sa inyo, maglalakad tayo sa gilid hanggang sa makarating tayo sa ground, come on let’s go!”

Madadaanan nila ang library room na nasusunog. Pati ang mga katabing kuwarto nito ay nagsimula na ring mag-apoy. Pababa na nang hagdanan ang mga estudyante ni Cassandra nang makarinig siya nang iyak ng isang bata mula sa huling classroom na nadaanan nila. Bumalik siya para hanapin ang may-ari ng boses. Mabilis namang kumakalat ang apoy.

“HELLO, MAY TAO BA DIYAN?” sigaw niya sa loob ng classroom.

Walang sagot pero mas malakas na niyang naririnig ngayon ang pag-iyak. Lumingon si Cassandra sa pinanggagalingan ng apoy, lumalaki na ito, pero kailangan niyang mailabas ang bata.

“NASAAN KA? HALIKA NA KAILANGAN NATING LUMABAS DITO!” muling sigaw ng dalaga. Napatingin siya sa pinakasulok ng classroom sa tabi ng CR, nakasiksik sa lalagyanan ng mga walis at dustpan ang isang batang babae, edad pito, takot na takot habang yakap ang mga tuhod. Patakbo niyang nilapitan ito.

“Halika na, ilalabas kita dito!”

Hindi tuminag ang bata na parang takot na takot pa rin habang patuloy sa pag-iyak.

Pero tila napanatag ito nang yakapin niya. Agad din itong yumakap sa kanya. Inakay niya palabas ang bata, mabagal ang paghakbang ng mga paa nito kaya para mapabilis sila ay kinarga na lang niya ito. Nang makarating sila sa hagdanan ay nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Cassandra kaya ibinaba niya ang bata at kinausap ito.

“Siguraduhin mong makakarating ka sa ground kasama ng iba pa…”

“P-pero pa’no po kayo?”

“N-nasa likod mo lang ako, sige na, go!”

Nagdalawang-isip man ay sinunod pa rin ng bata ang sinabi ng guro. Tumakbo na ito papunta sa ground. Naiwan naman si Cassandra na sapo ang dibdib. Sumusumpong na ang hika niya. Hinagilap niya sa bag ang inhaler na magpapaluwag ng pag­hinga niya pero hindi niya ito nakita. Napahigpit ang kapit niya sa kapitan ng hagdanan. Sinikap niyang maihakbang pa ang mga paa pababa pero bigla na lang nagdilim ang paningin niya. Mabuti na lang at nasa pinakaibabang baitang na siya nang tuluyan siyang mawalan ng malay. (Itutuloy)