Una sa Balita

Thai panis kay Bata!

0 422

Hindi pa rin kumukupas ang maalamat na tumbok ni Eferen ‘Bata’ Reyes matapos nitong biguin ang nakasagupang si Punyawee Thongchai ng Thailand, 100-37, sa quarterfinals ng 1-­Cushion Carom event ng sports na billiards ­tungo sa semifinal round ng event na ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa Manila Hotel Tent.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang 65-anyos na si Reyes upang agad na iwanan ang kalabang Thai sa ­mahirap na laro upang umasam na malampasan ang kanyang pinakamataas na naabot na tansong medalya sa kada dalawang taong torneo.

“Mahirap na ang susunod natin na makakalaban pero gagawin natin ang makakaya,” sabi ni Reyes, na siya ring playing coach ng pambansang ­koponan.

Umaasa si Reyes na makakapagtala ng panalo sa susunod na laban nito sa semifinals upang tumuntong sa una nitong kampeonato sa 1-cushion event matapos na hayaan ang mga paborito ­nitong event sa mga mas batang ­miyembro ng koponan.

Matatandaan na huling nakapagwagi ng tansong medalya si Reyes sa nasabing event noong ika-29 edisyon ng SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia taong 2017. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More