Una sa Balita

TF member sa Laguna, iniligpit

By
0 8

Patay ang isang miyembro ng task force sa Calamba, Laguna makaraang barilin ng ‘di nakila­lang suspek sa Barangay Uno sa nasabing lungsod kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Lou Espiritu, 40-anyos, miyembro ng Task Force Bagsakan ng Calamba City public market.

Ang Task Force Bagsakan ay siyang mahigpit na nagpapatupad sa Market Code ng Calamba na nagsasabing tanging ang Mercado de Calamba o ang Public Market ng lungsod ang magiging tanging bagsakan ng mga kalakal sa buong siyudad.

Sa imbestigasyon ng Calamba Police, base sa testimonya ng witness na kasamahan sa trabaho ng biktima, bandang alas-10 ng gabi, magkausap umano sila nito nang bigla na lang siyang may marinig na higing ng tila bala mula sa isang baril na may silencer.

Bigla na lang nabuwal ang biktima at nakitang may tama ng bala sa ulo na agad nitong ikinasawi.