Una sa Balita

Testing, testing, testing!

0 690

Natapos kahapon ng 3:30 ng madaling araw ang sesyon sa Senado matapos talakayin, buuin at ipasa sa ikatlong pagbasa ang bill na susundan ng pamahalaang Duterte upang tugunan ang krisis na dulot ng COVID-19.

Malaking pasasalamat natin kay Senador Pia Cayetano, sponsor ng bill, at kay SP Tito Sotto na kapwa author nya, sa pagtanggap sa amendments natin na sisiguro sa tulong ng pamahalaan sa mga pasyenteng nahawaaan ng COVID-19, mga doctor at medical staff na frontliners sa hospitals, pag-empleyo sa karagdagang taong magbibigay suporta sa frontliners, pagbigay importansya sa pagbili ng medical goods at equipment sa mga ospital at laboratoryong nangunguna sa paglaban sa virus, at pagbigay ng P5,000 – P8,000 tulong kada mahihirap na pamilyang naapektuhan ng lockdown.

Upang mapabilis ang pagsasabatas ng bill, tinanggap ng House of Representatives ang version ng Senado kaya ipapadala na lang sa Malacañang ang kopya upang mabilis itong mapirmahan ng Pangulo at maisakatuparan.

Ito ang inirekomenda nating maisama sa parating na batas na tatawaging “Bayanihan to Heal as One Act”:

· PhilHealth coverage sa mga pasyenteng may COVID-19;

· Mabilisang pagbayad ng hazard pay sa public at private health workers;

· Pagbigay ng P5,000 – P8,000 cash (kada buwan, sa loob ng 2 buwan) sa 18 milyong pamilyang mahihirap at maliliit ang kita na naapektuhan ng lockdown;

· Pagbigay prayoridad sa mga itinalagang COVID-19 hospitals at iba pang pribadong ospital at laboratoryo sa alokasyon ng medical goods at equipment;

· At pansamantalang pag-empleyo sa mga taong magbibigay ng karagdagang suporta sa mga doctor, nurses at medical staff.

Kabuoang P275 bilyon ang suma ng mga ayudang ibibigay ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng virus.

Nakapaloob din doon ang mga karagdagang awtoridad na ibinigay kay Pangulong Duterte upang mas mabilis at epektibo nyang maipatupad ang mga polisiyang inilatag natin kaugnay ng pananalasa ng virus.

Subalit bukod sa tulong pinansyal, higit na importanteng ipagpatuloy ang pag-test ng mga tao, upang mapabagal ang mabilis na paglaganap ng coronavirus.

Dyan tayo nagkulang – sa pagte-test. Ilan buwan nang nananalasa ang COVID-19 sa buong mundo ngunit 1,400 pa lamang ang nate-test natin dito – 400 doon ang positibo o halos 30%.

Sa pagsugpo sa problema, mahalagang hanapin agad ang ugat. Importante ang pag-test upang malaman kung sino ang may virus, maihiwalay sila sa karamihan at hindi na makahawa, at simulan ang paggamot sa kanila.

Marami sa mga taong may COVID-19 ay walang pinapakitang sintomas – walang lagnat, ubo o sipon. Delikado ang mga ganyan. Paano natin sila mahahanap at mapipigilang magkalat ng virus sa ibang tao kung hindi natin sila ite-test?

Hanggang di natin ginagawa ang patuloy na pag-test, malayang makakagala ang mga taong walang kaalam-alam na sila pala ay may bitbit na coronavirus.

Sa ngayon ay 300 kama lamang ang nakalaan para sa mga COVID-19 pasyente mula sa 3 itinalagang ospital para dito. Kukulangin ‘yan pag dumami na ang testing at nag-positibo.

Kaya suhestiyon natin sa pamahalaan na ilista na ang multi-purpose gyms sa buong bansa na maaaring i-convert at lagyan ng karagdagang kama sakaling lumobo ang mga pasyenteng dinapuan ng virus.

Ingatan ang sarili at manatili sa loob ng bahay!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More