Una sa Balita

TESDA Official sumibat sa sex scandal

By
0 12,066

Tikom ang bibig ng mga opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa nabunyag na sex scandal sa loob ng kanilang ahensiya.

Ngunit sinabi sa Abante ng isang mapagkakatiwalaang source mula sa TESDA na ayaw magpabanggit ng pangalan, na naghain ng ‘indefinite leave’ simula pa noong nakaraang buwan ng Pebrero ang opisyal ng TESDA na sangkot diumano sa sex scandal.

Ayon sa source, big­lang nagbakasyon ang nasabing opisyal matapos na magreklamo laban sa kanya ang dalawang empleyada at isang janitress ng TESDA na minolestiya umano nito.

Kuwento pa ng source na unang nagkaroon ng relasyon itong TESDA official sa isang executive assistant ng ahensiya kung saan nagkaroon ng bulong-bulongan sa kanilang tanggapan na may sex scandal na kinasasangkutan ang natu­rang opisyal.

Hanggang sa nabunyag umano ang relasyon ng dalawa at nagdesisyon si TESDA Director Gene­ral Guiling Mamondiong na ilipat sa ibang tanggapan ang babae at itinalaga ito sa National Irrigation Administration.

Ngunit nang mawala umano ang nasabing babae ay lalo rin lumala ang ginagawa ng TESDA official dahil mismong ang mga empleyada na nito sa kanyang tanggapan ang minomolestiya.

“Kunwari mayroon siyang ipapagawang papeles sa mga empla­yado nito na kung saan aakbayan, hihipuan at minsan pa pinatatabi pa niya sa kanyang upuan sa opisina ang mga babaeng kanyang gustong hipuan,” ayon sa source.

Maging sa dormitoryo ng opisyal ay pinapupunta umano nito ang kanyang mga empleyado para pagtrabahuin doon.

Kitang-kita umano sa mga kuha ng CCTV camera ang pagpasok at paglabas ng mga emple­yado sa opisina ng opisyal at maging sa dormitoryo nito na kung saan nanunuluyan ito mula nang manungkulan sa TESDA.

Noong nakaraang taong nang gawin umano ng naturang opisyal ang pangmomolestiya sa loob ng kanyang opisina sa dalawa nitong empleya­do na may edad na 20 hanggang 24.

Habang ang isa naman ay nitong buwan ng Enero ngayong taon lang nangyari kung saan tinangka umanong gahasain ng TESDA official ang isang janitress habang naglilinis ng opisina.

Nabatid na unang humingi ng tulong ang dalawang naunang biktima sa TESDA Union upang ireklamo ang opis­yal. Sumulat naman ang union kay Mamondiong para aksyonan ang reklamo ngunit wala umano itong naging aksyon at tila pinagtakpan pa ang ginawa ng inaakusahang opisyal.

Maging ang janitress ay nagharap din umano ng reklamo sa union ngunit wala ring nangyari.

Dahil dito, lumapit na sa TESDA Kilusang Pagbabago-Metro Manila ang mga biktima at nagreklamo kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III upang paimbestigahan ang nangyayari sa loob ng nasabing ahensiya.