Una sa Balita

Terrence Romeo ‘nilatigo’ ng TNT?

By
0 897

KAMAKALAWA ng gabi natikman ng KaTropa  ang isa na namang tambak na pagkatalo sa Phoenix Petroleum, 112-82, na nagbaon sa kanila sa 1-4 panalo-talo record.

Ito na ang ikala­wang dikit na tambak na pagkatalo ng TNT at ikatlong sunod na pagsubasob. Ang una ay sa mga kamay ng Alaska Aces, 96-125, noong Linggo sa debut game ng bago nitong import na si Stacy Davis.

Naparehasan na rin ng TNT ang worst record nito noong 1999 sa Commissioner’s Cup samantalang  Mobiline pa noon ang  bitbit nitong pangalan.

Kontra sa Fuel Masters, walang nakitang Terrence Romeo sa loob ng court sa kabila na nakita itong nakasuot ng uniporme at nakaupo lamang sa kanilang bench sa buong oras ng sagupaan.

Sinasabing may sakit si Romeo kaya hindi ginamit ni coach Nash Racela.

Sa pagtatanong ng Isport Lang, iba ang nasagap na impormasyon.

Walang sakit o hindi naman nilalagnat si Romeo kundi pinatawan ito ng discipli­nary action ni Racela.

Tatlong araw umanong hindi sumipot si Romeo sa ensayo ng TNT na nagsimula nang matalo sila sa Alaska.

Tungkol na naman kay Davis, balitang nagpulong ang coaching staff at si team manager Virgil Villavincencio matapos ang laro kontra sa Phoenix.

Ilalabas ng TNT ang desisyon kung pasasakayin na si Davis sa eroplano pabalik ng US kahapon (Sabado) o hindi pa.

Pero sa ipinakitang performance ni Davis sa nakalipas na dalawang laro, halatang wala ito sa kundisyon.

Makikita kung bago na ang import ng KaTropa sa laban nila sa Columbian Dyip ngayong araw ng Linggo bago ang 20-day break ng mga laro sa Governors Cup.

May posibilidad rin na si Davis pa rin ang iparada ng TNT sa laban sa Dyip at samantalahin ang mahabang pahinga para makahanap ng import na magsasalba sa kanila mula sa maagang pagka-eliminate.

Ang Rain or Shine ang sasagupain ng TNT sa September 21.