Una sa Balita

Terorista sa Traslacion tututukan ng AFP at PNP

By
0 1,755

Nakatutok ang puwersa ng Armed Forces­ of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa Traslacion ng Poong Nazareno sa Enero 9 na inaasahang dadaluhan ng milyon-milyong deboto.

Kailangan itong gawin ng AFP at PNP upang hindi malusutan ng mga taong posibleng maghasik ng kaguluhan at tero­rismo sa prusisyon.

Ngunit ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde­, wala pa naman silang tinatanggap na report na may banta ng gulo o terorismo sa tradisyonal na taunang Traslacion.

Sa kabila nito, sinabi ni Albayalde na tuloy lamang ang intelligence gathering ng NCRPO sa tulong ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Intelligence Service Armed Forces­ of the Philippines (ISAFP) at National Bureau of Investigation (NBI). 

“Kahit walang banta, dapat maging alert pa rin ang mga pulis, hindi sila dapat magpa-relax-relax para maging ligtas ang taunang tradisyon,” wika ni Albayalde.

Sinabi ni Albayalde, mahigit 5,613 pulis ang ikakalat simula sa Enero 8 pa lamang sa Quirino Grandstand, sa ruta ng Traslacion at sa Simbahan ng Quiapo.

Kabilang sa mga ipakakalat na pulis ay ang mga naka-plain clothes policemen at augmentation mula sa Joint Task Force NCR at Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP).

Maglalagay din ng mga sniper at monitoring team sa mga matataas na gusali na dadaanan ng Traslacion.