Una sa Balita

Term-sharing tuloy nga ba?

0 445

Naging panauhin kamakailan si Pangulong Rod­rigo Duterte sa birthday ni Marinduque Congressman Lord Allan Jay Velasco at ng kanyang misis na si Rowena sa San Juan nitong Lunes, Nobyembre 11.

Madalas namang maging bahagi ang Pangulo sa selebrasyon ng pamilya Velasco.

Kanya lang sa pagkakataong ito ay hindi kaya nagsisisi si Cong. Lord dahil imbes na luminaw ang kanyang plano na pumalit bilang Speaker ng Kamara katulad ng u­nang napagkasunduan na term-sharing ay mukhang lumabo pa dahil sa mga sinabi ni Tatay Digong?

Kung inyong maaalala, sa ‘15-21’ term-sharing agreement na ang Pangulo ang nag-apruba at namagitan kina House Speaker Alan Peter Cayetano na uupo sa unang 15 buwan bilang Speaker, at pagkatapos ay si Lord naman sa huling 21 buwan ng 18th Congress.

Pero walang magandang balita na dala ang Pangulo sa kanyang speech. Nang mapunta sa term-sharing ang usapan, eto lang ang sinabi ni Pangulong Duterte: “Kung iyan ang usapan, term-sharing, nasa inyo na ‘yan if the parties would honor.”

Ang sabi pa ng Pa­ngulo sa mga congressman na imbitado ni Lord: “Hindi ko pinipilit ang sinuman na pumanig kaninuman. Karapatan niyo ang pumili dahil ang kasunduan at ang pagpili ay nasasainyo. Kayo ang may kapangyarihan para mailuklok o matanggal ang isang Speaker.”

Kumusta naman kaya si Velasco sa ti­nurang ito ng Pangulo?

Imbes na ipaalala ang naunang napagkasunduan na term-sharing ay tila naiwan sa ere si Cong. Velasco dahil wala itong matigas na pahayag patungkol sa term-sharing.

Sabagay maaaring ang tingin ng karamihan ay mas pinapaboran ni Pangulong Digong ang magandang performance kaysa ang pagiging malapit sa kanya sa pagbibigay ng suporta, na siya namang dapat.

Ang may kasalanan ng lahat ng ito ay si Ca­yetano dahil sobrang ginalingan.

Tingnan niyo nga naman, sa u­nang dalawang buwan pa lang ng pagiging Speaker ay nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kumpara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na nakakuha ng trust rating na 62% at approval rating na 64%.

Bukod diyan ay umani ng papuri si Cayetano mula sa mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahe ng Kamara.

Hindi nga naman makakakuha ng mataas na rating ang Speaker kung hindi nirerespeto at kinikilala ng publiko ang mga accomplishment ng Kamara.

Well, abangan na lamang natin kung saan hahantong ang unang napagkasunduang hatian ng termino.

Pero sana ay mauwi naman sa maayos para hindi maapektuhan ang serbisyo ng mga mam­babatas sa kanilang mga nasasakupan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy