Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tensiyon sa kilos-protesta

0 82

Napuno ng tensiyon ang kilos-protesta ng mga militanteng grupo matapos ang balyahan at girian sa pagitan ng mga miyembro nito at mga awtoridad sa harap ng Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City kahapon ng umaga.

Ito’y makaraang mag-alsa ang mga raliyista dahil hindi sila pinayagan ng mga pulis na makalabas ng compound para makapagmartsa patungong Batasan Complex. Misyon ng grupo na tutulan ang proklamasyon nina presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at presumptive Vice President Sara Duterte.

Nagsimulang magkatensiyon sa paligid nang magkatulakan ang mga pulis at raliyista dahilan para ipabomba ng tubig ang mga ito.

Ayon kay Anonas Police Station 9 commander at ground commander ng Quezon City Police District (QCPD) Supt. Richie Claraval, hindi nila papayagang makarating sa Batasan complex ang grupo ng mga militante para doon magdaos ng rally.

Kapag naulit ang insidente, mapipilitan aniya silang arestuhin ang mga raliyista dahil sa kawalan ng permit.

Papayagan naman ng pulisya ang mga raliyista na mag-programa pero gagawin lang ito sa bakuran ng CHR.

Samantala, tinuligsa ng mga miyembro ng Youth Group Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) at Alyansa ng Bagong Maka­bayan (Bayan) ang nangyaring tulakan, balyahan at pambobomba sa kanila ng tubig. Papanagutin umano nila ang mga responsable dahil ilan sa kanila ang nasaktan. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.