Una sa Balita

Teenager nagbigti dahil sa depresyon

By
0 881

Dahil sa matin­ding depresyon, isang 17-anyos na estu­dyante ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Boyet Dela Cruz, 17-anyos, residente ng No. 162 Metro Heights, Brgy. Culiat, QC.

Ayon sa pahayag sa pulisya ni Romeo Dela Cruz, ama ng biktima, dakong alas-siyete nang gabi ay dumating siya sa kanilang tahanan, subalit pagbukas niya ng pintuan ay madilim ang paligid ng buong kabahayan.

Dahil dito ay binuksan niya ang ilaw at doon ay laking gulat niya nang tumambad sa kanya ang nakabigting anak sa ‘wooden beam’ ng kanilang bahay, gamit ang kumot na itinali nito sa kanyang leeg.

Sa pag-asang may buhay pa ang anak ay nagmamadaling kumuha ng bangko si Romeo at tinanggal sa pagkakabigti ng teenager saka isinugod sa Quezon City General Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Rose Alvarez.

Base sa pahayag ng ama ng biktima, nitong mga huling araw ay napapansin na niya ang sobrang bugnutin, tahimik at walang ganang kumain ang anak suba­lit wala naman umano itong sinasabing problema sa kanya.

Hinala naman ng pulisya, ang ganoong sintomas ng mga kabataan ay posibleng nagkakaroon ito ng depresyon at hindi lamang masabi sa sinumang pamilya kung ano ang kanyang matinding problema.