Una sa Balita

Teenager grinipuhan sa construction site

By
0 1,169

Dalawang malalalim na saksak ang itinarak sa dibdib ng isang tee­nager habang natutulog sa isang construction site na kanyang pinagtatrabahuhan sa Quezon City, kahapon ng hatinggabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si RG Bamyano, 18-anyos at residente sa Sitio Gabihan, Brgy. Tandang Kutyo, Tanay Rizal. Si Bamyano ay namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masangkay ng CIDU, ang krimen ay naganap dakong alas-12:10 ng hatinggabi sa ikatlong palapag ng ginagawang gusali ng Republic Residence na matatagpuan sa Saint Joseph St., Bgry. Holy Spirit ng nasabing lungsod.

Ayon sa salaysay ni Ajie David, kasamahan ng biktima, katatapos lamang umano nila sa kanilang trabaho at dahil sa matinding pagod ay natulog na sila.

Bigla umanong na­gising sa mahimbing na pagkakatulog si David nang marinig niyang sumigaw ang kasamahang si Bamyano, at nakita niya ang isang lalaki na may dalang patalim na mabilis na tumakas.

Nang makita umano niyang duguan ang kasamahang si Bamyano ay agad siyang humingi ng saklolo sa mga kasamahan sa construction site at isinugod ang biktima sa nasabing ospital subalit binawian din ito ng buhay.

Masusing iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na krimen upang makilala ang salarin. (Dolly Cabreza)