Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Teddy bear, ka-date sa mall

0 629

Julius M. Segovia

Nasa ilalim ng general community quarantine o GCQ ang Metro Manila at marami pang lugar sa bansa. Ibig sabihin, puwede nang mag-mall. Pero marami pa rin ang nagdadalawang-isip kung lalabas ba o hindi ng bahay. Sa totoo lang, marami pa rin ang natatakot na mamasyal.

Ibayong pag-iingat talaga ang dapat na gawin kung lalabas ng bahay. Tandaan, wala pang bakuna konta sa COVID-19. Kaya hindi masisisi kung marami ang natatakot na magpagala-gala.

Pero may kanya-kanyang diskarte ang mga mall para maka-engganyo ng mga customer.

Sa isang mall sa Trece Martires City sa Cavite, nakatutuwang tingnan ang kanilang pakulo. Sa labas ng mga fastfood chain, nagpuwesto ng mga extra dining table para ma-maintain ang social distancing sa loob ng mga kainan. Nililimitahan kasi ang mga tao na puwede lang mag-dine in sa mga restaurant at fastfood chains.

Ang nakatutuwa – kapansin-pansin ang mga malalaking teddy bear sa bawat mesa. Bawal daw kasi ang may ka-date o kasamang iba sa maliit na dining table. Kaya para masunod ang health safety protocol na ito, teddy bear ang ipinuwesto nila.

Ibig sabihin, solo kang kakain pero may katapat kang teddy bear na super lambot kaya ang sarap yakapin.

Pero teka, may note sa leeg ng stuff toy – puwedeng magselfie pero bawal i-hug. Oo nga naman, kung iha-hug ang teddy bear ng maraming tao, malamang na kumalat din ang pinangangambahang COVID-19 virus.

Masaya lang na hindi ka pa rin nag-iisa sa table dahil may ka-date kang teddy bear. Sure akong matutuwa ang mga customer sa pakulong ito ng naturang mall. Umaasa ang bawat isa na muling babalik ang dating sigla ng mga pasyalan gaya ng mga mall at department stores.

Malaki ang epekto ng pandemya sa mga mall. May dalawang buwan din kasing tumigil ang kanilang operasyon. Dahil dito, marami ang nawalan ng trabaho. Ang iba namang na-retain, sure akong nabawasan din ng kita dahil nagbago ng operating hours. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin bumabalik sa normal ang operasyon ng mga mall.

Ang sa akin lang, sundin ang mga health protocol na ipinatutupad sa mga mall. Para ‘yan sa kaligtasan ng bawat isa sa atin. Huwag kalimutang magsuot ng face mask at sundin ang social distancing. Iwasan nang maging matigas ang ulo para makaiwas tayo sa banta ng COVID-19. (photos courtesy: Calvin John Romero)

Leave A Reply

Your email address will not be published.