Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tayo-tayo rin ang solusyon sa COVID

0 129

Nakakatuwang balikan na bago natin abutin ang tila mas matinding delubyo ng pandemya, nasa 168 na lang ang arawang bilang ng kaso ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa bansa at ito ay naitala ilang araw bago dumating ang nakaraang Pasko at Bagong Taon.

Pero makalipas ang higit na dalawang linggo, sumirit nang todo ang bilang ng mga bagong kaso at kung pagbabatayan ang dami ng naitatala araw-araw, at kung hindi ito maaampat, paniguradong aabutin ang antas na hindi natin inabot noong 2020 at nitong nakalipas na taon.

Sa ganitong aspeto, hindi na makukuha sa paramihan ng kama para sa mga pasyente ng COVID sa mga ospital ang solusyon upang mapababa ang bilang ng kaso sa harap na rin ng katotohanang matapos ang dalawang taon ay nakita na ng mga tao kung paano malilimitahan ang pagkalat ng nabanggit na sakit.

‘Ika nga ni Partido Reporma standard bearer Ping Lacson, mask, hugas, iwas ang pangunang depensa laban sa COVID bilang isa sa mga tinamaan ng nabanggit na karamdaman.

Nakasalalay din aniya ang pagtatapos ng pandemya dulot ng COVID-19 sa indibidwal na disiplina at personal na pananagutan ng bawat Pilipino para magbakuna, lalo na ngayong tumataas ang hawaan dahil sa Omicron variant.

Sa isang panayam nga sa radyo ay binitiwan ni Ping ang mga katagang “talagang ang basic, ang pinaka-basic na pantugon talaga rito tao, tayo-tayo rin e. Kapag hindi nag-cooperate ‘yung mga mamamayan sa siyensya ay talagang the government can only do so much. Ngayon na-re-realize nating ganyan, especially dito sa Omicron.”

Pero sa kabila nito, talagang nakakadismayang marami pa rin sa mga mamamayan ang umiiwas o ayaw magpabakuna at ganito rin ang saloobin ng Partido Reporma standard bearer dahil “libre naman ang bakuna, ‘yung ibang LGU nga apaw ang doses, nag-offer na sila sa hindi taga-kanila, nag-encourage na pumunta sila dito, hindi pa ba sapat ‘yun?”

Sa ganitong situwasyon, tayo na rin ang masisisi kung patuloy na tumaas ang bilang ng mga nadadapuan ng COVID-19 pero sa kabilang banda ay tayo rin naman ang mapupuri kung susundin natin ang direksiyon ng siyensiya patungo sa pagbangon mula sa pandemya.

Sang-ayon ako sa pananaw ni Ping na mas dapat nang isipin ng gobyerno ang pangmatagalang epekto nito sa ekonomiya na kung hindi mahahanapan ng solusyon ay hahantong sa mas malawang pagkalam ng sikmura ng mga kamag-anak ni Juan Dela Cruz.

Leave A Reply

Your email address will not be published.