Una sa Balita

Tayo rin ang magkikita-kita sa finals

0 530

HALOS araw-araw ay may nadadagdag sa mga nagiging biktima ng coronavirus disease (COVID-19) at ito ay hindi lang sa ating bansa nangyayari kung hindi sa buong mundo.

Marami ang natatakot na baka isang araw ay sila o isa sa mga mahal nila sa buhay ang tamaan ng nakamamatay na sakit na walang pinipili maging mayaman o mahirap.

Sa panahong ito na napakarami ng nagbibigay ng komento patungkol sa COVID-19, lalo na sa social media ay tila nadadagdagan ang takot na nararamdaman ng bawat Pilipino na walang magawa.

Ngunit ito ang panahon na dapat ay patibayin natin ang ating pananampalataya at maglaan ng kahit isang minutong panalangin araw-araw dahil ito ang pinakamatibay na sandigan sa panahong ito na hindi natin hawak ang solusyon liban sa mag-ingat na huwag mahawa.

Tandaan lang natin na isang araw ay gigising tayo na tapos na ang lahat ng ito, babalik na ang lahat sa trabaho, makikipagsiksikan na muli ang mga tao sa LRT at MRT.

Ang problema lang natin sa ngayon ay hindi pa natin alam kung kailan mabibigyan ng mga eksperto sa medisina ng kaukulang gamot para mapigilan ang pagkalat ng naturang virus.

Pero dapat nating isipin na buong mundo ang nagkukumahog para iresolba ang COVID-19 at naniniwala tayo na malapit na, isa sa mga araw na ito ay may bansang maglalabas ng solusyon sa problemang ito.

Sa ngayon ay napakarami na ng apektado, maging ang mga negosyo at hanapbuhay ng maliliit nating kababayan ay sinalanta na ng sitwasyon at napakarami ang nag-iiyakang mga magulang dahil dito.

Damang-dama ko ang pakiramdam ng mga magulang na hindi alam kung saan kukunin ang susunod nilang pagkain dahil sa ipinatupad ng pamahalaan na community quarantine kung saan bawat hangganan ay may mga bantay.

Ngunit wala tayong magagawa kung hindi ang sumunod at isa-isantabi na lang muna natin ang politika at sama-sama nating sundin ang iniuutos ng pamahalaan partikular ang Department of Health (DOH).

Sa mga kababayan natin, manatiling kalmado lamang lalo na ‘yung mga naiipit sa mga checkpoint na hindi makatawid sa kanilang patutunguhan at makipag-usap ng maayos sa operatiba sa halip na makipag-away.

Lahat tayo ay may kaniya-kaniyang pinaghuhugutan pero dapat nating isipin na ang kabuuhan ng lahat ng ito ay upang sama-sama nating mapaglabanan ang virus na ito.

Marami nang pinagdaanan ang ating bansa na sama-samang hinarap ng mga Pilipino at napagtagumpayan natin kaya hindi imposibleng maitawid din natin ang problemang ito.

Pansamantala ay maging maingat lamang na huwag mahawa, sikapin nating sumunod sa halip na maging reaksiyonaryo at mapagpuna sa mga bagay-bagay na sa tingin natin ay mali.

Ilagay natin sa ating isipan na halos hindi natutulog ang pamahalaan para tugunan ang problema at ang mga iniuutos sa ating pamantayan para labanan ang COVID-19 ay dapat lang sundin.

Lagi nating isipin na virus lang ito at sinisiguro ko na tayo-tayo rin ang magkikita-kita sa finals.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More