Una sa Balita

Tayo na sa San Pedro Bautista Shrine ng Quezon City!

0 615

Kaaunti pa lamang ang nakaaalam na ang Santuario de San Pedro Bautista na matatagpuan sa San Francisco del Monte, Quezon City ay isang ‘pilgrimage site’ dahil ito ang simbahan at kumbento ng santong tagapagtatag na ngayon ay itinuturing na patron ng lugar, San Pedro Bautista. 

Ayon sa Diocese of Cubao na nakasasakop sa itinalagang ‘world heritage site’ ng UNESCO, “very few parishes in the world can claim such sanctity and honor.” Si San Pedro Bautista raw mismo ang nakadiskub­re sa 250 hektaryang plateau na napapaligiran ng sapa na may 8 bukal at nagpatayo ng kapilya roon noong 1590 sa karangalan ng Mahal na Birhen ng Monticelli. 

Si Pedro Bautista ay isa sa mga Pransiskanong pari mula sa Spain na naglingkod ng ilang taon sa Pilipinas noong panahon ng Kastila at umako ng mahahalagang tungkulin habang naririto sa bansa. Nagtatag ng maraming mga bayan sa Pilipinas si Fray Bautista — sa Camarines, Laguna at Bulacan. 

Bukod sa simbahan at kumbento sa Frisco na noon ay naging sentro ng pagdarasal at pamama­hinga ng mga pari pati ng Arsobispo ng Maynila, nakapagtayo rin siya ng isang ospital sa Cavite, ang dating Hospital of the Holy Spirit. Siya rin ang sinasabing nakatuklas sa mga hot spring ng Los Baños, Laguna. 

Sa kanyang pananatili sa bansa, naging ‘superior’ o pinuno si San Pedro Bautista ng mga Pransiskano; sinubaybayan at itinuwid niya ang pamamalakad ng Gobernador Heneral ng Pilipinas lalo na ang pakikitungo nito sa mga Pilipino. ‘Di kalaunan ipinadala siya sa Japan upang magsimula ng misyon doon. 

Sa Japan nakilala niya at nakasama ang Hapon at mas batang pari na si San Pablo Miki. Kapwa nadakip sila kasama ang 23 pang Kristiyano na pinaratangang traydor sa pamahalaan.

Noong Pebrero 26, 1597 magkakasamang inialay nila ang buhay bilang mga unang martir ng ‘Far East’ sa Nagasaki. Taong 1862 hinirang ang grupo bilang mga santo ng Iglesya. 

Noong nakaraang Linggo, muling dinumog ng mga deboto ang dambana ni San Pedro Bautista upang para­ngalan ang ikalawang patron ng Lungsod Quezon (ang Nuestra Señora del Santissimo Rosario ng Sto. Domingo ang pangunahing patron ng lungsod). Pinangunahan ni Bishop Honesto Ongtioco ang tampok na misa at selebrasyon. 

Mula sa orihinal na simbahang gawa sa kawayan at maliit na kumbento, malaki na ang pinagbago ng lugar sa pag-usad ng panahon. Taong 1699 naitayo ang simbahang gawa sa bato at bagong kumbento na itinalaga sa karangalan ni San Ped­ro Bautista. Hanggang ngayon makikita pa rin ang kuweba at balon ng pinagpalang kura sa lugar.  

Noong November 11, 1932, itinanghal ang simbahan ng Frisco bilang parokya sa ngalan ng santong tagapagtatag nito. Noong Pebrero 25, 2001 sa wakas ginawa itong Archdiocesan Shrine at pinanangalanang ‘Sanctuario de San Pedro Bautista.’ Ang kasalukuyang kura ng lugar ay si Fr. Efren Edwin Peter Dionisio, OFM. 

Ang buhay ni San Ped­ro Bautista ay pruweba na totoong may mga banal na prayle rin na naging santo at parte ng ating kasaysayan dahil sa kanilang tunay na pagmamahal at malasakit sa mga Pilipino. Nawa’y patuloy tayong maging bukas sa mga mabubu­ting implu­wensiya ng mga banyaga at handang magbahagi ng ating mga talento bilang Pilipinong Katoliko sa mga Kristiyano sa buong mundo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy