Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tayo na at magpabakuna!

0 127

Tapos na ang matagal nating paghihintay. Dumating na ang unang batch ng mga bakuna na hinihintay natin. Masisimulan na ang paglulunsad ng ating vaccination program.

Isa ako sa mga opisyal ng gobyerno na sumama kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Villamor Airbase noong nakaraang Linggo, ika-28 ng Pebrero para personal na saksihan ang pagdating ng 600,000 na doses ng bakunang Sinovac na ibinigay sa atin ng China.

Nagpapasalamat tayo sa China, ang ating long-time ally, sa muli nitong pagpapakita ng pakikisama sa pagharap natin sa hamon ng COVID-19. Ang pagkakaroon ng 600,000 doses ng Sinovac ay malinaw ding nagpapahayag ng independent foreign policy na pinasimulan ng ating Pangulo, kung saan ang Pilipinas ay kaibigan ng lahat at hindi kaaway ng sinoman.

Tinawag ito ni Pangulong Duterte na “a gesture of friendship and solidarity” at “the hallmark of Philippines-China friendship.”

Sa pagdating ng Sinovac, opisyal nating nailunsad ang ating national vaccine program sa simbolikong pagbabakuna ng ating frontline medical workers at ilang mga opisyal ng gobyerno sa ilan sa mga ospital sa Metro Manila ngayong ika-2 ng Marso 2021.

Ang Medical Director ng Philippine General Hospital (PGH) na si Dr. Gerardo “Gap” Legaspi mismo ang unang tao sa Pilipinas na opisyal na binakunahan ng Sinovac.

Upang ipakita ang kanyang nasyonalismo at upang makatulong na mapalakas ang kumpiyansa sa bakuna ng iba pang medical frontliners, hindi nag-atubiling magpabakuna ng Sinovac si Dr. Legaspi. Naniniwala siya na epektibo ito para sa mga healthcare workers na tulad niya.

Sinimulan na rin, kasabay ng PGH, ang vaccination program sa iba pang mga ospital, katulad ng Lung Center ng Pilipinas, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital o Tala Hospital, Veterans Memorial Medical Center/V. Luna Medical Center, at ng PNP General Hospital.

SM food to go Banner Ad

Ngayong ika-2 ng Marso, sinimulan ang symbolic vaccination sa Pasig City General Hospital, Amang Rodriguez Medical Center, Pasay City General Hospital, Taguig-Pateros District Hospital and Sta. Ana Hospital.

Nakaiskedyul din ngayong araw para sa symbolic vaccination at full roll-out ang mga military hospital. Ito ang Philippine Air Force General Hospital, Manila Naval Hospital, Army General Hospital, at Camp Aguinaldo Station Hospital.

Ang pagbabakuna sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City ay nakaiskedyul sa ika-4 ng Marso habang ang pagbabakuna sa Southern Philippines Medical Center sa Lungsod ng Davao ay naka-iskedyul sa ika-5 ng Marso .

Patuloy tayong nagpapasalamat sa mga medical frontliner, sa ating mga kababayan, at sa ating foreign partners, na tumutulong sa atin sa gitna nang pakikibaka natin sa pandemya.

Ngayong nagsimula na ang opisyal na paglulunsad ng bakuna ng Pilipinas, hinihimok ko ang bawat karapat-dapat na Pilipino na makilahok sa kampanyang ito ng pagbabakuna upang makatulong tayo na buhayin ang ating ekonomiya at ibalik ang ating normal na pamumuhay.

Tulad ng nalaman natin mula sa mga dalubhasa at sa mga medical doctors mismo, ang mga bakuna ay ligtas at epektibo. Makakabuti para sa ating bayan ang maagap na pagbabakuna natin.

Sa pagkakaroon ng mga bakuna laban sa COVID-19, maliwanag na nating nakikita ang solusyon sa mahirap nating problema. Isang mahalagang bahagi ng proseso ng ating pagbangon at paggaling ang pagdating ng unang batch ng bakuna laban sa coronavirus. Kaya, tayo na at magpabakuna!

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.