Una sa Balita

Tax indexation iporma muna

By
0 6

Upang mabawasan ang hirap ng taxpayers sa pagbabayad ng buwis, inirekomenda ng isang senador na unahin ang pagpapatibay ng panukala sa “tax indexation”.

Ayon kay Sen. Juan Edgardo “Sonny” An­gara, chairman ng senate committee on ways and means, kung uunahin ang pagpapatibay ng tax indexation ay maitutugma sa inflation ang tax brac­kets na magreresulta sa mas malaking take-home pay ng mga empleyado.

“Buong suporta po tayo sa income tax reform ng administrasyong Duterte, pero suhestiyon ko po na sana ay unahin natin ang indexation ng tax rates. Malaking tulong ito sa mga ordinaryong manggagawa,” giit ni Angara.

Sa umiiral na sistema ng pagbubuwis sa ilalim ng 1997 tax code, ang mga indibidwal na kumikita ng higit sa P500,000 ay may kaukulang P125,000 fixed tax, kaakibat pa ang 32% na ipapataw sa butal ng naturang halaga.

Ani Angara, kung ito pa rin ang sistemang gagamitin sa kasalukuyan, hindi na ito patas sapagkat ang halagang P500,000 noong 1997 ay hindi kasing halaga nga­yon. Kumbaga aniya, ang piso noon, halagang 40 sentimos na lamang ang katumbas ngayon kung itutugma sa inflation.

Base sa proposisyon ng Department of Finance (DOF), libre na sa tax ang mga kumikita ng P250,000 kada taon, habang ang mga “ultra rich” na kumikita ng P5M pataas kada taon ay papatawan ng 35% tax mula sa orihinal na 32%.