Una sa Balita

Taumbayan pa ang tinawag na ‘cry baby’

By
0 629

Kamakailan lamang ay tinawag ni Department of Budget and Ma­nagement (DBM) Secretary Benjamin Diokno na “cry baby” o iyakin ang mga taong nasasaktan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Ito ay pinalala pa ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagdudulot rin ng pagtaas ng mga pa­ngunahing bilihin.

Sino ang hindi maiiyak kapag kumakalam na ang sikmura at hindi na kasya ang sahod ng mga manggagawa at tsambahang kita ng mga informal workers para makakain ng maayos tatlong beses isang araw?

Sino ang hindi manlulumo sa taas ng presyo ng mga bilihin ngayon dahil sa TRAIN Law? Kung ang pang-araw-araw na pangangaila­ngan ng pamilya mo ay kinakayod mo din sa bawat araw ngunit hindi pa rin sumasapat dahil sa mataas na presyo ng bilihin, ano kaya ang mararamdaman mo?

Ito ang problema kapag mismong mga tao sa gobyerno ay hiwalay sa masang kanya dapat na pinaglilingkuran. Hindi naman kasi nararanasan ni Secretary Diokno ang hirap ng sitwasyong pinagdadaanan ng marami sa ating mga kababayan ngayon. Ang ganitong mga salita ay nagpapakita lamang na walang pakiramdam ang admi­nistrasyong Duterte sa dinadanas na kahirapan ng mga pamilyang Pilipino.

Imbes na aluin ay tila iniinsulto pa ang kanilang kalagayan. Taliwas ito sa pangako ng Pangulo noong panahon ng kampanya na iaangat ang buhay ng mga mahihirap.

Mula ng ipatupad ang TRAIN Law noong Enero 2018, pumalo na sa 4.5% ang inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagsasabing naglalaro sa 4.5 hanggang 5.4 percent ang inflation rate noong Mayo dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at bigas. Kahit nagbaba ng presyo ng langis nitong weekend, P9.55 pa rin ang itinaas ng presyo ng bawat litro ng diesel mula Enero 2018; P9.12 sa gasoline at P9.60 naman sa kerosene.

Hindi dapat ikum­para ni Secretary Diokno ang presyo ng langis sa world market noong panahon ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na umaabot sa US$135 bawat bariles sa halos US$80 ngayon dahil noong panahong yun ay walang excise tax ng diesel.

Ang karagdagang excise tax na pinataw ng TRAIN Law ay talagang makakaapekto sa presyo ng mga bilihin dahil ipinapasa ng mga manufactu­rers ang bawat dagdag na gastos ng mga ito sa kanilang operasyon lalo na sa langis.

Iresponsable ang mga naging pahayag ni Secretary Diokno lalo at gayung polisiya naman ng administrasyong Duterte ang dahilan ng kahirapang nararanasan ng mga Pilipino ngayon. Ang dapat na naririnig natin mula sa administrasyon ngayon ay kung papaano maiibsan ang mga negatibong epekto ng TRAIN at hindi paninisi at pang-iinsulto.