Una sa Balita

Tatakbong barangay captain todas, asawa at kapatid kritikal sa Abra ambush

By ,
0 1,759

PATAY ang isang barangay kagawad na tatakbo sanang kapitan ng barangay sa kanilang lugar habang sugatan naman ang misis nitong barangay captain at kapatid na babae matapos tambangan ng hindi pa kilalang mga armadong kalalakihan kamakalawa ng hapon sa bayan ng Pidigan, Abra.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang nakilalang si Victor Pisco, kagawad ng Barangay Immuli, habang sugatan naman ang asawa nito na si Elida Vasquez Pisco, incumbent barangay chairman ng nabatid na lugar gayundin ang kapatid nitong si Myrna Pisco.

Sa ulat ng Pidigan Municipal Police Station na isinumite sa Abra Police Provincial Office (PPO), naganap ang pananambang dakong ala-singko ng hapon sa kahabaan ng Sitio Banay.

Nabatid na sakay ng isang Elf truck ang mga biktima pauwi na sana sa kanilang bahay sa Barangay Immuli nang sabayan ito ng hindi pa kilalang mga lalaki sakay ng motorsiklo at agad na niratrat.

Parehong nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mag-asawang Pisco na agad ikinamatay ng lalaki habang ang misis nito ay patuloy na nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan.

Lumalabas sa ulat ng pulisya na kahapon ay nakatakda sanang magpasa ng certificate of candidacy (COC) para tumakbong kapitan ng barangay ang nasawing mister habang ang misis na kapitan ng barangay ay plano namang maghain ng COC para sa pagtakbo sana bilang kagawad ng lugar.

Ayon sa pulisya, away sa politika ang posibleng motibo ng pananambang subalit patuloy pa rin ang kanilang ginagawang masusing imbestigasyon ­hinggil sa kaso.

Ang lalawigan ng Abra ay kabilang sa mga itinuturing ng pulisya na election hotspot dahil sa dami ng patayang nagaganap kapag panahon ng eleksyon.