Una sa Balita

Tatak Roderick Paulate palaging viral

0 683

Benta sa mga millennial:

Ni Ruel Mendoza

Isa sa kinakatuwaan sa telebisyon ngayon ay ang character na si Paps Fernando Biglangdapa na ginagampanan nang buong husay ni Roderick Paulate.

Marami ang naka-miss sa flamboyant gay character kunsaan nakilala si Kuya Dick. Pero sa “One of the Baes”, pilit niyang tinatago ang kanyang tunay na pagkatao mula sa kanyang anak na si Jowalyn, sa manliligaw nitong si Grant, sa kanyang mga male boarder at sa kapitbahay niyang si Carmina (Maureen Larrazabal) na noon pa ay may gusto sa kanya.

Ilang eksena na nga ni Kuya Dick ang laging nagte-trending sa social media dahil sa kanyang signature na facial expressions at pagsasalita. Inamin ni Kuya Dick na na-miss niyang gawin ang ganitong klaseng comedy dahil mas naging abala siya noon sa mundo ng politics.

“Pinag-usapan din naman namin ng manager ko. Kasi 10 years ago pa ‘yung last na ginawa kong comedy. Naisip ko, ‘Oo nga ano? Gusto ko ng light naman, gusto ko naman mag-enjoy.

“Nu’ng in-offer ito good vibes agad at ang bilis ng negotiation. Ang maganda is na-meet ko ‘yung mga batang production people — they’ve watched my films daw, so lalong gumaan ang puso ko.

“Concerned ako sa flow ng character, maingat din ako para ma-enjoy ng lahat kahit bata. Collaborative ako kasi millennial na mga viewer ngayon.”

Unang naging gay character ni Kuya Dick sa telebisyon ay ang role na Roda Coburns sa ’80s sitcom na “Tebok Bunot” noong 1981. Naging banner year ni Kuya Dick ang 1987 dahil sunod-sunod ang mga naging pelikula niya na tumabo sa takilya kunsaan siya ang bida at beki ang mga ginampanan niya.

Balikan natin ang mga nakakatuwang mga pelikula kunsaan nakilala ang husay ng pagiging isang komedyante ng nag-iisang Roderick Paulate…

***

HIGH SCHOOL CIRCA ’65 (1979)

Mula sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes, kuwento ito ng mga senior high school student at ang kanilang mga pinagdaanang mga gulo at saya bago dumating ang araw ng kanilang graduation. Dito unang lumabas si Roderick bilang isang teenager na bading na laging tinutukso at pinaglalaruan ng kanyang classmates, pero may malaking puso para sa mga guro na pinahahalagahan ang kanyang pagkatao. Tumanggap dito ng best supporting actor nomination sa Gawad Urian si Roderick.

***

INDAY, INDAY SA BALITAW (1986)

Bukod sa balik-tambalan nila Susan Roces at Eddie Rodriguez at ang sikat na love team nila Maricel Soriano-William Martinez, ang inabangan ng mga manonood ay si Roderick sa papel na Tonette, ang baklang alalay ni Susan na naging kaaway ni Maricel bilang si Inday. Kinaaliwan ng marami ang bangayan nila sa palengke at sa kalsada kunsaan nilalait ni Inday si Tonette mula ulo hanggang paa. Dahil sa husay ni Roderick, nagwagi siya rito ng best supporting actor award mula sa Star Awards in 1987.

***

JACK EN POY! HALE-HALE HOY! (1987)

Isang big box-office success ang muling pagsasama ng comic tandem nila Maricel Soriano bilang ang tomboy na si Jack at Roderick Paulate bilang ang baklang si Poy. Mga sanggol pa lang sila ay pinagkasundo na sila ng kanilang mga magulang na ipapakasal sila pagdating ng tamang panahon. Pero dahil sa kanilang identity crisis, imbes na magmahalan ay pinandirihan pa nila ang isa’t isa. One big comic moment ni Roderick sa pelikula ay noong salubungin siya sa pier at bumaba siya ng barko in full drag makeup and matching parasol and fishnet stocking.

***

1 + 1 = 12 PLUS 1 (1987)

The biggest gathering of Regal Babies ang 1987 Metro Manila Film Festival official entry na ito na pinangungunahan nina Susan Roces at Eddie Gutierrez at si Roderick Paulate bilang si Aldo, ang yaya ng isang dosenang bata na ginampanan nila Lotlot de Leon, Sheryl Cruz, Isabel Granada, Ana Abiera, Katrin Gonzales, Matet de Leon, Bamba, Jigo Garcia, Atong Redillas, Chuckie Dreyfuss, Jaypee de Guzman at R.R. Herrera. Kahit sobrang laki ng cast, nag-standout si Roderick bilang atribida at mapagmahal na yaya. Napanalunan ni Roderick ang MMFF best supporting actor.

***

KUMANDER GRINGA (1987)

Unang pagganap ito ni Roderick Paulate sa isang title role at dual character siya. Gumaganap siya bilang ang bading na army recruit at bilang ang rebelde na tinutugis ng kanilang grupo. Pinakita rito ni Roderick ang kanyang versatility sa pagganap ng bading at lalaki sa iisang eksena. Pero ang pinakamabenta ay ang mga eksena niya sa barracks kunsaan nakasama niya ang mga machong recruits na sina Richard Gomez at Joey Marquez. Ito ang naging biggest box-office movie ni Roderick sa taong 1987.

***

AKO SI KIKO, AKO SI KIKAY (1987)

Second time na mag-dual role si Roderick as Kiko and Kikay, na isang conjoined twins na noong pinaghiwalay sila, kinuha si Kiko ng kanyang ama na pinalaking brusko. Si Kikay naman ay lumaki sa kanyang ina na kinunsinti ang pagiging bading niya. Dahil sa isang gamot na inimbento ng isang scientist, pag-ininom ito ni Kikay, nagiging magandang babae siya na si Venus (Rita Avila) at kapag si Kiko naman ang nakainom, nagiging guwapo siyang si Adonis (Jestoni Alarcon). Nataon na nagkakilala sina Adonis at Venus at nagkaroon sila ng relasyon. Laking gulat nila sa kanilang wedding day noong mawalan ng bisa ang gamot at magkita ulit silang magkambal.

***

PETRANG KABAYO AT ANG PILYANG KUTING (1988)

Ang biggest box-office hit ni Roderick na nagbigay sa kanya ng titulong Box-Office King. Bilang si Petra na isang beautician, naisalin sa kanya ang sumpa ng kanyang ama na naging malupit sa mga kabayo. Mawawala lang daw ang sumpang ito kapag nakagawa siya ng tatlong heroic deeds. Naging maganda ang chemistry ni Roderick sa nagsisimula pa lang na child star na si Aiza Seguerra, isang makulit at matabil na bata na sinabihan siya ng “bawal sa langit ang mga bakla!” Nagkaroon ito ng sequel noong 1990 titled “Petrang Kabayo 2: Ang Ganda Mo, Mukha Kang Kabayo!” at ni-remake ito noong 2010 na “Petrang Kabayo” na naging unang title role ni Vice Ganda.

***

DED NA SI LOLO (2009)

Mula sa direksyon ni Soxy Topacio, ang comedy-drama na ito ng isang pamilya na muling nagkita-kita noong pumanaw ang kanilang ama. Marami silang kanya-kanyang paniniwala o superstition tungkol sa pagburol at paglibing. Hinarap din nila ang maraming diperensya nila bilang isang dysfunctional family. Gumanap ditong magkakapatid sina Roderick, Elizabeth Oropesa, Gina Alajar at Manilyn Reynes. Naging Philippine entry ito sa Best Foreign Language category ng 82nd Academy Awards under the English title “Grandpa Is Dead”. Nanalo rito si Roderick ng best actor award sa Golden Screen Awards.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy