Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Task Force Manila Shield kasado sa BBM inagurasyon

0 99

Bubuhayin ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Manila Shield dalawang araw bago ang gagawing inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa National Museum sa Hunyo 30.

Ayon kay PNP Director for Operation Police Major Gen. Valeriano De Leon, layon ng Task Force Manila Shield na masiguro ang maximum security para sa gagawing panunumpa ni Marcos.

Bahagi ng pagpapatupad nito ang paglalatag ng mga checkpoint at chokepoint sa lahat ng entry point ng Maynila sa loob ng tatlong magkakasunod na araw simula sa Hunyo 28 gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng gunban na epektibo sa Hun­yo 27 sa National Capital Region (NCR).

“All vehilcles entering the City of Manila will pass through checkpoints that will be set up in all entry points of the City. This is to prevent criminal elements and troublemakers the opportunity to strike before and during the inauguration of our next President,” ayon kay De Leon.

Inatasan din ni De Leon ang mga police commander sa Metro Manila at kalapit lalawigan na pag-ibayuhin ang kanilang intelligence gathering at tumutok sa mga grupo na posibleng magbanta ng pagsabotahe sa nakatakdang inagurasyon ng ika-17 Pangulo ng bansa.

Nauna nang sinabi ng PNP na papayagan lang ang mga raliyista na magdaos ng kanilang programa sa mga freedom park at hindi sila papayagang makalapit sa venue ng inagurasyon.

Samantala, mahigit sa 15,000 security personnel ang magbabantay sa inagurasyon ni Marcos na binubuo ng mga pulis, sundalo, miyembro ng Philippine Coast Guard at iba pang force multipier. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.