Una sa Balita

Target: 4M OFWs iuuwi para sa local jobs

By
0 4

Isa sa nakikitang pakinabang ng gobyernong Duterte sa dinaluhang ‘One Belt One Road’ (OBOR) Forum sa China ay ang pagbaba ng bilang ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.

“Later on, ‘yung mga OFWs natin, uuwi na. ‘Yun ang ambisyon natin, sa Pilipinas na sila magtatrabaho. Marami nang opportunities, imagine.So ‘yun na ngayon ang ating ano, ang future,” paliwanag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa press briefing nitong Linggo ng gabi sa Beijing, China.

Isa sa minimisyon ng gobyerno ay mapababa ng 4 milyon ang bilang ng 12 milyong OFWs na nasa iba’t ibang sulok ng mundo, kaya’t sisikapin nilang makapagbigay ng local jobs para sa uuwing Pinoy workers.

“Parang at least nandiyan na ‘yung ­opportunity, pero problema pa rin. But ang isang nakikitang kong possible impact ‘non is that ‘yung mga ibang ­engineers abroad mag-uuwian na. Nandito na ‘yung ­opportunites. Baka ‘yung 12 million OFWs, baka maging eight million na lang,” paliwanag pa ni ­Lopez sa impact sa bansa ng OBOR.

“Less OFWs. Meron pa rin ‘yan, pero mababawasan na dahil ‘yung mga engineers, ‘yung mga kompanya, nagtatrabaho sa kumpanya, kung magwe-waiter or kung ‘yung ibang trabaho ka sa ibang bansa, baka mas mataas pa ang kitain mo ngayon sa Pilipinas,” dagdag ni Lopez sa maaring kahantungan ng mga manggagawang Pinoy dahil sa imbitasyon ng China sa Pilipinas na maging bahagi ng nasabing forum na ang layon ay magtulungan ang iba’t ibang nasyon.

“So these are the opportunities na very real… and in fact, nangyayari na po. The fact na bumababa ang unemployment rate natin, 4.7 percent, ang starting, ang living indication na dumadami na ‘yung trabaho sa atin ngayon,” ayon pa kay Lopez.

Bagama’t may benepisyo, problema pa ring naki­kita ito ni Lopez dahil maaaring magresulta ito ng pag-uwi ng mga kababayan nating manggagawa sa ibang bansa.

Dahil sa magagandang pangyayaring ­inaasahan, ang mahalaga ayon sa gabinete ay harapin ang magandang oportunidad.

Si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang miyembro ng gabinete ay kasalukuyang nasa Beijing, China para dumalo sa nasabing forum.