Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tara nang bumoto!

0 76

Araw ng halalan. Sa susunod na 24 oras, malalaman na ang mga susunod na mamumuno sa pamahalaan.

Ang pagboto ay karapatan ng bawat mamamayan ng Pilipinas, 18 taon gulang pataas, mayaman o mahirap. Sa katunayan, kahit may kapansanan at hindi marunong bumasa’t sumulat ay may karapatang bumoto.

Huwag po nating sayangin. Tara na sa presinto; kunin ang balota at isulat ang ating napili sa mga kandidato.

Pero dapat pagpunta sa presinto ay may desisyon na kayo kung sino ang nakakuha ng inyong boto. Eto ay para mapabilis ang proseso para sa pagboto ng may higit 67 milyong botante sa buong bansa.

Sa lokal, napakahirap pumili dahil karamihan ay ngayon lamang narinig ang pangalan. Kung hindi pa naging eleksyon, hindi magpaparamdan ang karamihan sa kanila. Yung pahalik-halik sa mga bata; pamanu-mano sa matanda; ngayon lang iyan.

Tapos na ang 90 araw ng kampanya. Pero nakakalungkot na marami ang nauwi sa pagtatalo at pag-aaway dahil lang sa magkaiba ang piniling kandidato. Maraming relasyon at pagkakaibigan ang nasira ngayong eleksyon ng 2022.

Pero ang katotohanan, hindi naman tayo kilala ng mga kandidato (puwera na lang kung kamag-anak ninyo). Matapos ang eleksyon, hindi na magpapakita ang mga iyan para man lang kayo kumustahin o kamayan ulit.

Bukas balik tayo sa normal na buhay kasama ang mga kamag-anak at kaibigan; kung may natira pa kayong kaibigan. Papaano babalik sa normal na buhay kung nag-away-away tayo noong kampanya?

Yung mga nakasalamuha natin dahil pareho ang kulay ng kandidato, hindi yan maaasahan sa panahon ng pangangailangan. Mga kamag-anak at kaibigan ang tanging maaasahan.

Napakasaklap na makita ang mga nagtakwil ng sariling kamag-anak: ama, ina, kapatid at pinsan ngayong panahon ng eleksyon. Mga sariling dugo ang mga iyan.

Anong klaseng pulitika ang kayang magtakwil ng sariling magulang at kapatid? Nabasa ko lang iyan noong Cultural Revolution ng Tsina, noong namayagpag ang mga Red Guards. Pinatay at pinarusahan ang sariling kamag-anak na hindi sang-ayon sa patakaran ng partido komunista. Last time I checked, wala namang cultural revolution sa Pilipinas.

Sa sistema ng ating eleksyon, ang mapipili ng karamihan ang susunod na mahahalal sa puwesto. Dahil sa disenyo ng ating saligang batas, hindi lahat ng boto ay 100% pupunta sa isang kandidato. Laging matatalo ang minorya.

Sa isang ganap na demokrasya, matuto sana tayong igalang ang napili ng karamihan. Walang puwang ang sabihing bobo at mangmang ang hatol ng bayan.

Sa tindi ng dinaranas na kahirapan dahil sa pandemya at sa epekto ng giyera sa Ukraine, kailangan ng mga bagong opisyales ang suporta ng lahat mamamayan para muling maibangon ang bansa. Ngayong linggo nga, isang na namang one-time-big-time na pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo ang mangyayari.

Kung magtatagumpay ang pamahalaan, lahat ay makikinabang kasama ang mga di-bumuto sa mga nanalo. Kapag nabigo, lahat din tayo ang magdurusa.

Sa mga mananalo sa eleksyon, tigilan na sana ang kultura ng pagbura, pagkansela sa mga magandang proyekto na ginawa at naumpisahan ng mga paalis na opisyales. Iabot ang kamay ng kapayapaan lalo na sa mga naka-tunggali. Kung walang galit at poot na ipapakita, tiyak na makukuha ang tiwala ng lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.