Una sa Balita

Tara na sa Puerto Galera

0 345

Kamusta na mga ka-Trip Mo, Trip Ko? Salubungin natin ang Bagong Taon ng pagla­lakbay. Hindi naman li­ngid sa ating mga Pinoy na mahilig talaga tayo gumala at kumain. Dahil ito na rin ang nagiging daan para tayo ay makapag-bonding sa ating pamilya at kaibigan. Talaga namang masayahin ang mga Pinoy!

Kaya naman dadalhin ko kayo sa islang malapit lang at siguradong mag-e-enjoy kayo! Dahil ang destinasyon natin ay kilala ring dinarayo na talaga ng mga turista.

Ang pagbiyahe dito ay sasakay ng bus sa Ala­bang papuntang Pier ng Batangas o ‘di kaya naman madaming bus terminal ang puwede ninyong pagpilian papunta sa Batangas Pier at pagdating mo roon ay may masasakyan ka ng bangka papunta sa isla. Walang hustle kasi ang papuntang Batangas ay hindi naman ganu’n kabi­gat ang daloy ng trapiko at pagsakay mo naman ng bangka papunta sa isla ay magandang tanawin na kulay bughaw ng dagat ang iyong makikita.

At kung ikaw naman ay may sasak­yan maari kayong mag-ferry pagdating ninyo sa Pier ng Batangas tapos bababa kayo sa Calapan, Mindoro doon puwede na kayo magmaneho papunta sa Puerto Galera.

Tara! Maggala tayo sa Puerto Ga­lera, ito ay unang munisipalidad ng Orien­tal Mindoro. Kilala ang lugar na ito bilang top diving sites sa buong Pilipinas. Masasabi kong hindi kayo mawawalan ng puwede ninyong gawin rito dahil bukod sa napakasayang night life nila ay sobrang mag-e-enjoy ka mag-island hopping at kung hindi pa kayo nakasubok mag-snorkling, dito siguradong hindi ka magdadalwang-isip na subukan ito dahil sa ganda ng mga coral dito.

Kung nalalayuan kayo sa Boracay ito din ang tamang destinasyon sa inyo dahil mamangha rin kayo sa puting buhangin dito. Ito ay ang White Beach, Aniuan Beach Talipan Beach at Palauan Beach.

Isa sa pinakamasayang gawin dito ay ang island hopping, kung baga sa mall kailangan mo itong libutin upang makita kung ano ang me­ron sa lugar na ito. Huwag ninyo palalagpasin ang Sandbar Island, Bayanan Beach, Antonio Island at ang kanilang Colar Garden. At habang kayo ay nag-island hHopping maari na rin kayo magdala ng inyong pagkain para naman kapag kayo ay nagutom meron na kayong makakain.

Kung ang biyahe ninyo rito ay overnight o ‘di kaya naman ay gusto ninyo manatili ng ilang araw huwag kayo mag-alala dahil madaming hotel dito na kaya at swak sa inyong budget.

At pagsapit ng dilim sa lugar na ito siguradong mararamdaman ninyo ang kasiyahan dito. Sakto ito sa mga mahihilig sumayaw, uminom at sumabay sa magagandang tugtugin. Masasabi kong makukumpleto talaga ang saya ninyo rito. At kung ang trip ninyo naman ay tahimik maganda rin ang lugar na ito para tumingala sa la­ngit at humanap ng iba’t ibang cons­tellation.

Seafood lover ka ba? Hindi papahuli ang Puerto Galera riyan. Dahil nga sa yamang-dagat nila rito maari kayong mamili rito ng mga sugpo, iba’t ibang klaseng isda, pusit at mga lamang-dagat na may shell. May mga restawran din dito na naghahain ng iba’t ibang lutuing dagat na aakma sa inyong panlasa.

Huwag ninyo din kakalimutang dumaan sa Mangyan Village, kung saan makakabili kayo ng handmade na mga pang-souvenir, na puwede ninyo gawing pasalubong.

Ayan mga ka-Abante isa na namang masayang paglalakbay ang ating napuntahan. Nawa’y ma­dami pa tayong malalakbay lalo na sa pagpasok ng Bagong Taon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More