Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tapusin na ang pagkakahati-hati, umpisahan na ang pagkakaisa

0 102

KAHIT hindi pa official, sigurado na tayo na ang uupong President at Vice President simula sa tanghali ng June 30, 2022 ay si President Bongbong Marcos Jr. at Vice President Inday Sara Duterte-Carpio.

Kaya from the bottom of my heart, my sincerest congratulations sa kanilang dalawa na ibinoto ng mayorya ng mga botante.

Sa laki ng boto na nakuha nila, nagpapakita lamang ito na niyakap at pinaniwalaan ng mga Pilipino ang “unity” o pagkakaisa ng buong sambayanan na kanilang ipinalaganap, ipinanawagan, at tinindigan noong kampanya.

Binabati ko rin ang mga bagong senador, kongresista, at local officials na inaasahan ng ating mamamayan na maglilingkod nang buong husay at katapatan.

Sa eleksyon na ‘to, nakita natin na talagang nahati ang buong bansa dahil magkakaiba ang sinuportahang kandidato ng ating mga kababayan.

Sa social media, lalo na sa Tik-tok at Facebook, kanya-kanyang gimik ang nakita natin para ikampanya ang mga kandidato.

Sa telebisyon ay maya’t-maya din ang pagpapalabas ng mga political advertisement maliban sa mga news program na nakatutok sa campaign sorties at istorya ng mga kandidato.

Nakakatuwa rin ang ilang mga narinig natin, ewan ko kung totoo pero sana hindi, na may mga mag-asawa na nagkatampuhan dahil magkaiba ang kanilang kandidato, at mayroon ding mag-girlfriend at mag-boyfriend na nagkaroon ng “LQ” dahil magkalaban ang sinusuportahang kandidato.

Kaya talagang colorful ang eleksyon na ‘to dahil halos lahat yata ng emosyon ay lumitaw tulad ng iyak, tawa, kaba, pagkaasar, pagkapikon, excitement, at pagod.

Ako mismo nakita ko kung paano dumugin ang mga rally ng UniTeam na pinangunahan nina BBM at Inday Sara dahil sumama ako sa ilang sorties nila.

‘Yan ang tinatawag na “democracy at work” at talagang nakita natin na malayang nakapagpahayag ng saloobin ang ating mga kababayan.

Ngayong tapos na ang eleksyon, dapat tapos na rin ang pagkakahati-hati ng mga tao at umpisahan na natin ang pagkaisa para suportahan ang bagong gobyerno sa pamumuno ni President BBM at VP Inday Sara.

Pero talagang may mga mapagsamantalang grupo na gagamitin ang lahat ng sitwasyon, babaluktutin ang tuwid, at magtatangkang iligaw ang paniniwala ng mga tao para sa kanilang pang sariling interes.

Nag-umpisa na nga silang mag-agitate ng mga tao para tutulan ang resulta ng eleksyon sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng fake news na questionable umano ang resulta ng halalan.

‘Yan ang disinformation nila, samantalang nagkakaisa ang mga expert na malinis, may integeridad, at walang nangyaring dayaan.

Halimbawa, katatapos pa lang ng eleksyon ay may nag-rally na agad. Nakakalungkot pa dahil kabataan uli ang inudyukan na manguna at nasa likod nila ‘yung mga usual instigator na ginawa na yatang career ang mag-rally laban sa gobyerno.

Kaya nananawagan ako sa mga magulang na bantayan at gabayan ninyo ang inyong mga anak dahil tiyak na ang kabataan na naman ang “ibabala” ng mga militanteng grupo para mag-rally at pulaan kunwari ang naganap na eleksyon, pero gobyerno talaga ang babanatan at ang pupuntiryahin agad ay ang bagong administrasyon.

Iginagalang ko naman ang freedom of speech at peaceful assembly, pero dapat constructive ang paggamit ng karapatang nito at hindi makapanira lang.

Sa mga kabataan, nagpapasalamat ako sa inyo dahil lumahok kayo sa eleksyon na ‘to at talagang ipinaramdam at ginamit ninyo ang inyong kapangyarihan na magluklok ng mga pinuno sa gobyerno sa isang demokratikong proseso.

Huwag kayong magpadala at maniwala sa sulsol ng mga grupo na may ibang political agenda at halatang tutol sa layuning pagkaisahin ang lahat ng Pilipino.

Imbes na sumama kayo sa grupong nanggugulo, yakapin ninyo, kasama ang buong samabayanan, ang pagkakaisang hatid ng bagong administrasyon.

Ang pagkakaisa ng lahat ang susi sa ating pag-ahon at pagbangon.

Itaga mo sa Bato!

Leave A Reply

Your email address will not be published.