Una sa Balita

Tapos na ang masasayang araw ni Boy Bastos

0 702

Magandang balita sa ating mga nanay! Nitong Lunes lamang ay nilagdaan na ang implemen­ting rules and regulations (IRR) ng Safe Spaces Act (Republic Act No. 11313) o mas kilala bilang ‘Bawal Bastos Law’. Ang ibig sabihin nito ay wala ng puwang sa ating lipunan ang lahat ng uri ng pambabastos sa lansangan.

Ang tamang pagpapatupad ng isang magandang batas tulad ng Bawal Bastos Law ang tinatawag na ‘game changer’ o magbabago sa hindi magandang nakasanayan na ng iba sa atin katulad ng pag-aakala na okey lang ang pambabastos sa daan o sa iba pang pampublikong lugar. Hindi po ito puwedeng ikatwirang ‘biro lang’ o ‘humahanga lang’ dahil ang pambabastos ay hindi ‘okey lang’ at hindi puwedeng ipagkibit-balikat ng ating mamamayan.

Naniniwala rin ako na ang IRR ng batas na ito ang magpapatibay upang maging accountable sa kanilang pambabastos ang mga lalabag dito. Pero makakaasa naman ang ating mga kababayan, na nakakasa ang due process sa pagpapatupad ng Bawal Bastos Law. Hindi ka basta-basta nalang sisintensiyahan o parurusahan. Makakaasa rin ng mabilis na pagresolba ng kaso at bibigyan ng tulong ang biktima upang maka-recover siya at maka-move on sa pangyayari.

Ang Bawal Bastos Law ay para sa lahat – babae, miyembro ng LGBTQ at pati na ang kalalakihan. Ang batas na ito ay inaasahang mag-aabante ng mga positibong polisiya sa bansa at magbibigay ng magagandang pagbabago sa ating katauhan at kultura upang matapos na ang gender-based harassment sa mga pampublikong lugar.

Sa ilalim ng IRR ng Bawal Bastos Law, ang mga harassment na ipinagbabawal ay ang paninipol, pagmumura, paninitsit, pang-iinsulto at iba pang klase ng pambabastos sa lansa­ngan. Kasama rin dito ang lahat ng uri ng pambabastos sa internet o ang tinatawag na online harassment.

Ang Metro Manila Development Autho­rity kasama ng Philippine National Police, kasama na ng Women and Children Protection Desk nito ang may awtoridad na humuli sa mga lalabag sa batas. Nakasaad din sa IRR na ang Department of Interior and Local Government ay magbabantay sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa upang maipatupad nang tama ang Bawal Bastos Law.

Natutuwa ako, bilang principal author at sponsor ng batas na ito sa Senado, na ang daming ahensiya ng gobyerno ang sumuporta sa pagpapatupad ng batas na ito. Ang IRR na ipinasa nitong Lunes ay dinaan sa matinding review ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, advocacy groups at miyembro ng academe.

Bilang chair ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equa­lity, nagpapasalamat ako sa Philippine Commission on Women, mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, partner organization, advocate, iba’t ibang grupo ng kababaihan at LGBT na nagpursigi at naghirap para mapino hanggang sa maging pinal na ang IRR ng Bawal Bastos Law. Pagtulungan po nating maging mas maayos at ligtas ang ating lipunan para sa ating mga anak at mga susunod pang heneras­yon.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More