Una sa Balita

Tapang lang walang malasakit

0 572

Para sa kasalukuyang admi­nistrasyon, hindi pa sapat ang paunang pagsagasa ng TRAIN Law sa mga mahihirap dahil umarangkada na ang pangalawang tranche nito ngayong 2019.

Asahan na natin ang muling pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabilang na ang la­ngis na pinatawan ng karagdagang buwis na mula 1 hanggang higit sa dalawang piso kada litro sa kabila ng una niyang panawagan na suspendihin ito.

Sasabayan pa ito ng inanunsyong pagtaas rin ng presyo ng la­ngis sa pandaigdigang merkado dahil sa pagtaas ng presyo ng krudong nalilikha ng Estados Unidos at ang banta ng ilang bansa sa Gitnang Sila­ngan na bawasan ang kanilang produksyon.

Kaya naman tapos na ang maliligayang araw nating nag-akalang patuloy nang bababa ang presyo ng mga bilihin noong humupa sa 5.2% ang inflation rate nitong Disyembre 2018.

Hindi na alintana ng administrasyong ito ang hirap na dadanasin ng mga ordinaryong Pilipino. Mas mahalaga sa kanila na maibraso ang TRAIN, sa halip na kilalanin at tanggapin na may mali sa polisiyang pilit nilang ipinapanukala.

Kaya naman nagsisimula palang ang taong ito ay may panibagong pasanin na naman ang mga ordinaryong Pilipino. Noong nakaraang taon ay sinubok na sila ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng bilihin at ngayo’y hindi pa nga sila lubos na nakakabawi ay may parating na naman palang panibagong sakuna.

Siguro’y lingid sa kaalaman ng admi­nistrasyong ito na hindi lahat ng Pilipino ay malalim ang mga bulsa. Nakalimutan siguro nila na isa sa mga dahilan ng pag­lobo ng inflation rate na umabot sa 6.7% noong Setyembre at Oktubre ay ang excise tax sa produktong petrolyo.

Patuloy na ipinapakita ng administrasyong ito na matapang lang ito sa pagsulong sa mga polisiyang inaakala nila’y wasto pero walang malasakit para sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino. Lagi na lang bang magdurusa ang Pilipino ng dahil sa kapabayaan ng mga nakaluklok sa kapangyarihan?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy