Una sa Balita

Tanong ng mga bakwit: Paghupa ng Taal paano na kami?

0 637

Napakahirap sagutin ang mga tanong na binitawan sa akin ng mga kapwa ­Batangueño sa pag-iikot ko sa evacuation centers. Mahirap dahil hindi ­madali ang kasagutan, malaking pera ang kinakailangan at matagal na panahon ang lilipas bago nila makita ang resultang hinahangad.

Sabi nila, “Sir, pagkatapos nito, ano na? Paano na kami? Wala na kaming babalikang bahay at kabuhayan. Lahat ng pinaghirapan at pinundar namin, naglahong parang bula.”

Back to zero daw sila. At totoo naman ang kanilang sinasabi dahil personal nating naikutan ang mga lugar na tinitirhan nila bago pumutok ang Taal.

Ghost towns lahat. Mga komunidad na dati’y makulay ang mga pintura ng bahay at luntian ang mga puno’t halaman. Ngayon ay gray lahat ang kulay matapos sabuyan ng abong binuga ng Bulkang Taal.

Sila ang mga ­residente ng bayan ng Agoncillo, Laurel, San Nicolas, Balete, Lemery at Talisay. Idagdag pa natin ang apat na barangay ng Lipa City at 7 barangays ng Mataas na Kahoy.

Kailangang patatagin ang loob nila at ipadamang hindi sila nag-iisa.
Sabi ko sa kanila, “­Huwag kayong ­mag-­alala. Hindi namin kayo pababayaan.”
Sama-samang tayong naapektuhan ng ­Bulkang Taal, sama-sama rin ­tayong tatayo at ­babangon sa kalamidad na ito.

At sa pagbabalik ng sesyon ng Senado nitong Lunes, unang agenda ng opisina ko ang pag-file ng Senate Bill 1275 na lilikha sa Taal Volcano Rehabilitation and Development Commission, katulad ng ginawang Pinatubo Commission noong pumutok ang bulkang Pinatubo sa Pampanga.

Sa pamamagitan ng Taal Commission, magi­ging mabilis ang pagkalap ng pondo para sa muling pagsasaayos ng nasira o naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal – maging ito ay bahay at buhay ng indibidwal, pamilya o komunidad; kabuhayan; at trabaho.

Magiging mabilis din ang paggalaw ng pamahalaan para sa isasagawang relokasyon ng mga apek­tadong residente, pagsasaayos ng mga nasirang pampublikong kalsada at gusali, at iba pang paraan upang mapabilis ang pagbalik sa normal na buhay ng LGUs at komunidad na kanilang nasasakupan.

Natutuwa tayo na nito ring Lunes, matapos nating i-file ang bill sa paglikha ng Taal Commission, nagpahayag si Pangulong Duterte na nakahanda syang magbigay ng P30 bilyon para sa reconstruction at rehabilitation ng Batangas.

Malaking bagay iyan sa pagbangon ng ­Batangas at pagbuhay ng moral ng mga Batangueño. ­Dahil halos 500,000 tao na ang apektado at lumikas sa kani-kanilang lugar at nakakalat sa iba’t ibang evacuation centers sa Batangas, Cavite, ­Laguna at Quezon. Marami rin sa kanila ang wala sa ­evacuation centers at ­kinukupkop ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan o hindi ka­kilala na nagmagandang loob buksan ang kanilang ta­hanan para sa mga bakwit o evacuees.

Sabi ng Phivolcs, ­binago ng pagputok ng Taal ang topograpiya o hugis ng kapaligiran ng Batangas. Ang mismong lake ay sinasabing may parteng umangat, lumubog at lumapad.

Ang isla ng Taal na da­ting puno ng tao at turista ay mananahimik na dahil hindi na papayagang bumalik ang 6,000 pamil­yang naninirahan doon bago pa man sumabog ang bulkan. Marami sa mga lugar ng Batangas na napapaloob sa 14-kilometer radius ng bulkan ang maaaring iurong o ilipat sa mas ligtas na lugar.

Malaking pagbabago at malaking problema ang hinaharap ng Batangas, lalo’t hindi pa rin tapos ang pag-alboroto ng Taal. Subalit kaya natin itong lagpasan kung lahat ay magtutulungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More