Una sa Balita

Tanggapin ang pagkatalo

0 231

Kaliwa’t kanan na ang nangyaya­ring proklamasyon sa mga nanalong kandidato.

May mga maagap na tinanggap ang pagkatalo habang ang iba ay masayang tinanggap ang pagkapanalo.

Pero siyempre hindi maiiwasan ang mga talunang kandidato na hindi tanggapin ang resulta ng halalan.

May mga sumisigaw ng manual counting habang ang iba ay umaalma sa resulta dahil sa paniwalang dinaya sila.

Sabagay hindi naman maiwasan ang ganyang klaseng mga hinaing pagkatapos ng eleksyon, lalo na sa kamay ng mga talunan.

Kaya dapat ay huwag magpaapekto­ ang taumbayan sa mga kaguluhang nangyayari dulot ng hindi pagtanggap ng pagkatalo ng ilang kandidato.

Dapat ay mag-move-on na. Tanggapin ang naging boses ng taumbayan.

Ibigay ang pamumuno sa mga iniluklok ng nakararami.

Kaya nga saludo ako sa mga kandidatong agad na nag-concede matapos malaman ang kinalabasan ng halalan.

Kapag hindi kasi ninyo agad tinanggap ang inyong pagkatalo ay magiging mahirap para sa inyong lugar na umasenso at maisakatuparan ang mga platapormang inyong inilatag noong panahon ng kampanya.

Huwag po tayong maging sagabal sa pag-unlad ng ating lugar. Ibigay natin ang suporta sa mga pinili ng nakararami upang sama-sama nating makamit ang inaasam na tagumpay at asensyo.

***

Dahil tapos na ang halalan, huwag naman sanang ipaubaya ng mga kandidato ang paglilinis ng mga pader at pagbabaklas ng mga campaign paraphernalia sa mga tauhan ng gobyerno.

Alam nating trabaho ng mga taga-gobyerno katulad ng MMDA, DPWH ang paglilinis pero bilang nasa likod ng pagpapakat ng mga parapernalyang iyan sa katatapos na halalan, maging responsable naman sana tayo sa paglilinis.

Makiisa tayo sa mga taong gobyerno na nangangasiwa sa pagpapanumbalik ng ganda at linis ng ating kapaligiran.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy